LIFESTYLE CHECK KAY BI COMM. JAIME MORENTE

MARAMING beses nang mali ang mga impormasyon at pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na iwinawasto ng mga opisyal ng pamahalaan, lalo na ng kanyang tagapagsalita na si Secretary Harry Roque Jr.

Kaya, hindi na ako nagulat nang iwasto ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Duterte hinggil sa maling impormasyon nito sa mga kawani ng Bureau of Immigration (BI).

Isa sa mga ibinida ni Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ay ang pagkakasibak daw ng 43 kawani ng BI.

May kinalaman sa kampanya ni Duterte laban sa napakatalamak na katiwalian at korapsyon sa pamahalaan ang pagkakasibak sa 43, pahayag ng pangulo.

Tapos, lumabas sa media ang balita na ibinalik sa BI ang 43 matapos ang anim na buwang suspensiyong ipinataw ng Office of the Ombudsman (OMB).

Sinuspinde sila nang walang sahod at benepisyo makaraang sampahan sila ng mga kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot nila sa korap-syong binansagang “Pastillas scam”.

Pastillas dahil ang perang P10,000 na padulas ng mga dayuhang pumapasok sa bansa nang walang mga kinakailangang dokumento, sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa mga kawani ng BI ay nakabalot sa papel na tulad sa kending gatas ang pagkakabalot.

Ayon sa NBI, matibay at malakas ang mga ebidensiya laban sa 43 kawani ng BI, kaya sinampahan sila ng mga kaso sa OMB.

Inilinaw ni Guevarra na kahit tapos na ang suspensiyon at nakabalik na sa trabaho ang 43 ay hindi awtomatikong absuwelto sila sa kanilang mga kaso.

Idiniin ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) na patuloy pa rin ang imbestigasyon laban sa kanila.

Hindi alam ni Guevarra kung ipupuwesto uli ang 43 sa BI-NAIA dahil si BI Commissioner Jaime Morente ang magpapasya tungkol dito.

Sana – sana – hindi maiugnay ang pangalan ng sinuman sa 43 sa anumang klase o porma ng korapsyon sa BI sa susunod na mga buwan at taon.

Kahit anong pagtatanggol sa BI ay walang maniniwalang hindi naganap ang Pastillas scam.

Nagsimula ito nang tapatan ang ideya ng kalihim noon ng DOJ na si Vitaliano Aguirre II na visa upon arrival (VUA) noong 2017.

Ayon sa impormasyong lumabas sa Senado, kapag walang VUA ang dayuhan ay magbibigay ito ng padulas na pumapalo hanggang P10,000 bawat isa.

Ayon pa rin sa Senado, umaabot ng P40 bilyon ang pumasok na pera sa Pastillas scam.

Kung totoo ito, walang dudang nakinabang nang husto ang ilang piling nilalang sa BI.

Ngunit, hindi lang ‘yan ang korapsyon sa BI, ayon na rin sa ilang mga beteranong kolumnista.

Imposibleng hindi alam ni Morente na talamak ang katiwalian at korapsyon sa BI, samantalang mahusay siyang opisyal noon ng Philippine National Police (PNP).

Ang pagkakaalam ko sa ibinalita sa media na ang dahilan sa pagkakatalaga ni Duterte kay Morente sa BI ay dahil kaya nitong patinuin at patigilin ang iba’t ibang klaseng katiwalian at korapsyon sa BI.

Ayon sa mga balitang nailalabas sa media, mayroong mga nagtatrabaho sa BI na kumikita sa human trafficking, human smuggling at sa mga dayuhang kuwestyonable ang pananatili sa bansa.

Kung totoong mahusay na heneral noon sa PNP si Morente, patunayan niya ngayon ang kanyang husay at talino sa BI.

Kung totoong misyon ni Morente sa BI ay linisin ito mula sa napakatalamak na katiwalian at korapsyon, dapat patunayan niya ito.

Hindi pa naman huli ang lahat kahit patapos na ang termino ni Duterte sa Hunyo 30,2022.

Mayroon pang sampung buwan si Morente upang tugunan ang ipinagawa ni Duterte sa kanya laban sa korapsyon.

Kung gusto talaga ni Morente na makatulong siya sa kampanya ni Duterte laban sa korapsyon ay gagawin niya.

At gagawin niya ito nang tapat at seryoso.

Maliban na lamang kung naaabutan na siya nang regular mula sa mga taong matagal na nasa likod ng human trafficking, human smuggling, Pastillas scam at iba pang pinagkakakitaan ng mga korap sa BI.

Dito sa Pilipinas, mahirap patunayang korap ang isang korap.

Tingnan ninyo ang nangyari sa 43 kawani ng BI – hindi ba’t hindi sila tuluyang tinanggal sa ahensiya dahil hindi malakas ang ebidensiya laban sa kanila.

Huwag rin ninyong kalimutan ang mga kasong katiwalian, korapsyon at pandarambong ng mga pulitiko – hindi ba’t marami sa kanila ang naabsuwelto?

Matapos na mapawalang sala ng Sandiganbayan, madalas nang ibinibida ng mga pulitiko sa publiko na walang katotohanan ang mga akusasyong magnanakaw sila ng pera ng pamahalaan.

Ang nakabubuwisit nang husto ay napakakapal ng mga mukha nilang maghangad uli ng posisyon sa pamahalaan.

Napakarami nang patunay na naabsuwelto ang mga korap at mandarambong dahil sa kapos ng mga substansiyal na ebidensiya.

Kung gusto n’yo, magkalkal kayo ng mga kasong dumaan sa Sandiganbayan upang makumbinsi kayo sa katotohanan ng sinasabi ko.

Kaya, mungkahi ko sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at OMB na isailalim sa lifestyle check si BI Commissioner Jaime Morente upang magkaalaman kung mayroong siyang kayamanan na mahirap paniwalaan at hindi kayang ipaliwanag ng kanyang natatanggap na sahod at mga benepisyo sa BI.

Walang masama sa panawagang ito dahil makatutulong ito upang malinawan ang lahat.

Katunayan, malalaman ng publiko kung mayroong itinatago si Morente habang walang tigil na binabatirya ang BI tungkol sa talamak na katiwalian at korapsyon o wala.

oOo

CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911

142

Related posts

Leave a Comment