Ni Ann Esternon
Mahirap talagang magpalaki ng bata.
Naniniwala tayo na ang pagkakaroon ng anak ay isang malaking biyaya mula sa Maykapal.
At para sa mga magulang, ang biyayang ito ay hindi dapat balewalain bagkus ay mahalin at pakaingatan.
Para pa rin sa mga magulang, lulubusin nila ang pagmamahal nila sa kanilang anak. Ngunit kung may gusto o layaw ang anak, dapat ba itong sundin at ibigay? Dapat ba silang maging spoiled?
Kung pagmamahal ang pag-uusapan, kayang mahalin at paligayahin ang anak kahit pa hindi sunod ang kanyang layaw sa kanyang mga magulang. Mas magiging puro at wagas ang pagmamahal kung ganitong sistema ang ipakikita sa anak.
May mga dahilan kung bakit hindi dapat ibigay sa anak ang bawat bagay na kanyang naisin:
1) hindi matututong magpahalaga o magmalasakit
2) madaling manawa o
3) hindi matututong makuntento sa natatanggap. Ang mga bagay na ito ay maaaring mangyari lalo pa’t walang tamang gabay o paalala ang magulang sa kanilang anak kung basta na lamang nilang susundin ang layaw nito.
Kung susundin ang layaw ng anak bilang bahagi ng paraan ng magulang sa pagbibigay nila ng kanilang pagmamahal, siguraduhing hindi makakasira o makakaapekto ito sa pag-uugali ng bata.
Maaaring ibigay ang naisin ng bata partikular kung ito’y bahagi ng ‘reward’ sa kabutihang kanyang ginawa, ngunit huwag gawing palagian.
Hindi rin naman tama kung marami ang anak ng mga magulang ngunit isang anak lamang ang lubos nilang binibigyan ng pansin sa pagbigay ng layaw nito.
Bilang mga magulang, marami man o iisa ang kanilang anak, marapat lamang na maging patas o tama sa pagbibigay ng layaw ng bata, upang maging matatag ang pagkatao nito at maging maayos din ang pagsasama nila bilang pamilya.
237