MAGKAKASUNOD na lindol na ang pinakamalakas ay may magnitude na 5.5 ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon.
Bandang alas-12:41 ng hapon ay niyanig ng magnitude 5.2 lindol ang bayan ng San Antonio, Zambales na naramdaman hanggang Quezon City.
Sa ulat ng Phivolcs, “tectonic” ang origin ng pag-uga ng lupa na naitala sa karagatang sakop ng nasabing bayan.
Naitala ang Intensity 1 sa Quezon City, habang Instrumental Intensity 1 ang naitala sa Marikina City at Olongapo City.
Wala naman inasahang pinsala sa mga istruktura pero pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko sa posibleng aftershocks.
Kahapon ng umaga ay niyanig din ng 5.5 magnitude na lindol ang Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Batay sa report ng Phivolcs, tumama ang lindol dakong 10:02 ng umaga sa bahagi ng karagatan na sakop ng munisipalidad ng Jose Abad Santos.
“Tectonic” din ang ang origin ng lindol, na may lalim na 113-kilometers.
Naramdaman ang Instrumental Intensity 1 sa Kiamba, Sarangani.
Noong Sabado ay niyanig naman ng 5.2 magnitude na lindol ang Davao Occidental. (JESSE KABEL)
 158
 158
 

 
                             
                            