“Grand plan to cheat in 2022” ibinunyag COMELEC, SMARTMATIC MAGKAKUTSABA?

(NELSON S. BADILLA)
ISINIWALAT ng beteranong clean elections advocate ang inaasahang pagsasakatuparan ng ‘engrandeng plano’ ng dayaan sa halalan sa Mayo 2022 dahil sa ikalimang ulit na pagsasama ng Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic Corporation sa pagsasagawa ng eleksyon sa bansa.
Ito’y makaraang muling igawad ng Comelec sa nasabing kumpanya ang kontrata ng gagamiting refurbished vote counting machines (VCMs), secure digital (SD) main cards, SD write once-read many (WORM) cards, cleaning sheets, software deal for election management system, VCMs at consolidation-canvassing system.
Ayon kay Atty. Glenn Chong: “Sa darating na halalan sa 2022, lahat na naman ng kontrata ay namonopolyo ng Smartmatic sa aktibong pakikipagsabwatan ng Comelec.”
“Sa kabila ng public advice ni Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na ang Smartmatic dahil nga sa isyu ng dayaan, pinipilit pa rin ng Comelec na makontrol muli nila ang makinarya ng pandaraya sa 2022,” patuloy ni Chong.
Batay sa impormasyong nailabas sa media, noong Disyembre, 2020 iginawad ng Comelec sa Smartmatic ang kontrata sa “refurbishment” ng 97,345 VCMs, pagsuplay ng 109,745 SD main cards, pagsuplay din ng 109,745 piraso ng SD WORM Cards at ng 250,000 cleaning sheets, gayong ang inalok na presyo nito ay P637,443,308.45.
Kalaban ng Smartmatic sa bidding ang Pivot International Inc. and Power Service Inc. (PSI) Joint Venture o PSI Joint Venture na nag-alok ng presyong P490 milyon.
Kung susundin ang batas sa bidding, panalo ang PSI Joint Venture dahil “lowest calculated bid” (LCB) ang P490 milyon kumpara sa P637.4 milyon ng Smartmatic.
Ngunit, batay sa rekord, diniskuwalipika ng special bids and awards committee (SBAC) ng Comelec ang PSI Joint Venture sa bidding noong Disyembre dahil sa isyu ng “zero” o “dash” at hinanap ng Comelec ang presyong alok ng PSI Joint Venture sa SD cards at cleaning sheets, samantalang hindi nito hiningan ang Smartmatic ng nasabing mga gamit.
Nagkaroon muli ng panibagong bidding noong Mayo 5 ng taong kasalukuyan patungkol sa software na gagamitin sa election management system, VCMs at consolidation-canvassing system.
Muling lumahok
Panalo uli ang PSI Joint Venture kung susundin ang batas sa bidding dahil sa LCB nito kumpara sa presyo ng Smartmatic na nakalulula ang sobrang taas.
Muling diniskuwalipika ng SBAC ng Comelec ang PSI Joint Venture dahil sa isyu ng 15GB na hindi umabot sa 16GB na kailangan ng Comelec.
Ngunit, ayon sa verified complaint ng PSI Joint Venture, nireformat ng SBAC
ang kanilang SD cards.
Matapos ang diskuwalipikasyon ng SBAC ng Comelec sa PSI Joint Venture nang isagawa ang tinatawag na “post evaluation bid” ay iginawad ng Comelec sa Smartmatic ang kontrata sa software na gagamitin sa election management system, VCMs at consolidation-canvassing system.
Idiniin ni Chong sa SAKSI Ngayon na ang ginawa ng SBAC ng Comelec at
mismong mga opisyal nito ay “In a very public manner, sinuway nila ang pangulo at tahasang nilabag ang Republic Act 9369, o Automated Elections System Law at ang Republic Act 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act”.
Aniya, “Malinaw na minanipula  ng SBAC ng Comelec ang bidding process upang madiskwalipika ang lowest bidder sa kontrata ng mga vote counting machines at SD cards”.
“Mapapatunayan ang sabwatan ng mga kasapi ng SBAC, sa pamamagitan ng kanilang emails ayon sa reklamo na isinamapa laban sa mga ito,” tirada ni Chong.
Tinumbok ni Chong na ang pagbibigay ng Comelec ng panibagong kontrata sa Smartmatic para sa halalang Mayo 2022 “ay manifestly and grossly disadvantageous sa ating pamahalaan at publiko”.
“Malinaw na walang pakialam ang Comelec sa paghihirap ng publiko at iba pang mas mabigat na pangangailangan ng bansa sa panahon ng pandemya, basta maibigay lang ang lahat ng kontrata sa Smartmatic kahit talunan [ito] sa bidding.
Pagkatapos nilang mailusot ang maanomalyang kontrata ng mga makina, ibinigay din sa Smartmatic ang kontrata para sa software ng vote counting machines, Election Management System at consolidation and canvassing systems. Ang masahol pa nito, kahit basang-basa na ang pangalan ng Smartmatic USA dahil sa isyu ng dayaan sa Amerika, sa joint venture ng TIM-SMMT at Smartmatic USA pa rin ibinigay ng Comelec ang mga kontratang ito,” patuloy na pagdidiin ni Chong sa lantarang pagkampi ng Comelec sa Smartmatic.
Kung uunawainng mabuti, kumbinsidung – kumbinsido si Atty. Chong na magkakaroon ng “matinding problema ng malawakan at otomatikong dayaan ng Comelec at Smartmatic” sa susunod na eleksyon.
Iginiit pa ni Chong na ang malawakang dayaang binabanggit niya ay “Hindi na po ito “cloud of doubt” lamang sa sistema ng halalan gamit ang Smartmatic. Ito po ay “hurricane of doubt” na sumisira sa ating halalan, demokrasya at kinabukasan bilang isang malayang sambayanan”.
Ang open – secret na malawakang dayaan sa halalan ng Pilipinas na tinawag sa batas na AES ay isang dekada nang isinisiwalat at nilalabanan ni Atty. Chong.
Matagal nang isiniwalat ni Chong sa mga pagdinig sa Senado ang mga dayaang naganap sa nakalipas na mga AES na pinagtulungan umano ng Comelec at Smartmatic, ngunit walang ginawang aksyon ang Comelec laban sa huli.
Idiniin ni Chong sa SAKSI Ngayon na: “Sa nagdaang apat na automated elections mula noong 2010, lahat ng election related contracts ay ibinigay ng Comelec sa Smartmatic. Ito ay sa kabila ng maraming dokumentadong anomalya at kontrobersiya na kinasasangkutan nito”.
“Mahigit 10 taon na akong lumalaban at nagsisiwalat ng mga ebidensiya ng dayaan sa mga hearing namin sa Senado. Hindi nasagot ng Comelec at Smartmatic ang mga ebidensiyang ito. Sa halip, Binalewala ang mga ebidensiyang ito ng Comelec at ibinigay pa rin sa Smartmatic ang lahat ng mga kontrata ng halalan,” patuloy na birada ni Chong.
Nagsimula ang AES sa Pilipinas noong 2010 makaraang magkaroon ng Republic Act 9369 na nag-amiyenda sa Republic Act 8436 noong 1998.
Batay sa rekord ng Comelec, unang nakasama nito ang Smartmatic sa pagpapatupad ng AES noong 2010 makaraang manalo ang dayuhang kumpanya sa bidding, o pasubasta sa mga makinang gagamitin sa AES.
SMARMATIC na naman ang ‘nanalo’ sa pasubasta ng Comelec noong 2013, 2016 at 2019, batay pa rin sa rekord nito.
Tuwing magkakaroon ng eleksyon sa bansa, palaging Smartmatic ang nagwawagi sa pasubasta ng Comelec sa mga gagamiting software, VCMs na dating PICOs at iba pa para sa halalan.
Mula 2010, naging kontrobersiyal na ang Smartmatic batay na rin sa mga naisiwalat na mga dokumentadong malawakang anomalya at iregularidad sa mga halalan kahit na AES, o moderno, na ang sistema nito.
Ngunit, hindi kailanman  dinisqualify ng Comelec ang  Smartmatic sa mga naganap na bidding.
Ang nangyari pa nga ay ang mga kalaban ng Smartmatic ang sadyang tinanggal sa bidding kahit nanalo ang LCB nito tulad ng naranasan ng PSI JOINT VENTURE noong Disyembre 2020 at  Mayo 2021.
483

Related posts

Leave a Comment