LAGUNA – Muling magpapatupad ng liquor ban sa San Pablo City matapos muling dumami ang kaso ng mga nagpositibo sa coronavirus disease noong Biyernes.
Napag-alaman, nagpalabas ng Executive Order si San Pablo City Mayor Amben Amante dahil sa pagkadismaya na may halos 70 pasyente silang binabantayan dahil sa pagsuway sa pagbabawal sa social gatherings.
“Dahil po meron po tayong 71 indibidwal na binabantayan na nakasalamuha po nitong ating mga active patient. Batay po sa ating imbestigasyon, kaya po medyo bumilis ang pagdami ng COVID dito sa ating lungsod, ay meron po tayong ibang mga kababayan na naging pasaway at naging iresponsable,” ani Amante.
Inilahad niya ang isang insidente na naging dahilan kung bakit mas lalong tumaas ang bilang ng mga nagkakasakit tulad ng pag-iinuman ng isang grupo gamit ang iisang baso at nag-imbita pa ng mga taga ibang lugar.
Nakalilimutan aniyang sundin ang protocols na dapat isa-alang-alang ng mamamayan, kapag sila ay nag-iinuman at lasing na. Matatandaan, muling ibinalik ng Malacañang sa GCQ ang probinsya ng Laguna dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng nagpopositibo sa COVID-19. (CYRILL QUILO)
169
