BAYANING PULIS

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

BINIGYANG-PUGAY ni Philippine National Police (PNP) chief, General Rommel Marbil, si Police Staff Sergeant Carlo Sotelo Navarro, 45-anyos, nakatalaga sa BF Homes Police Substation (SS-5).

Ito ay pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa tapat at matapang na serbisyo sa sambayanang Pilipino na ipinamalas ni Sgt. Navarro, ang kanyang wagas na katapangan habang tumutugon sa tawag sa kanyang tungkulin bilang isang awtoridad noong Mayo 23, 2025.

Bandang alas-10:45 ng umaga ay nagresponde sina PSSg. Navarro at PSSg. Maret, kasama ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) dahil sa panggugulo ng isang tao sa Creek Drive 1, Valley 8.

Nang makaharap ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si “Arnold” ay bigla na lamang nitong inundayan ng saksak si Sgt. Navarro na tinamaan sa ulo at dibdib, ngunit kaagad namang naawat ni PSSg. Maret at ng mga kasamang BPATs.

Agad isinugod ang nasugatang pulis sa kalapit na ospital at ngayon ay ligtas na sa kapahamakan at nagpapagaling na sa kanilang bahay.

Ipinakikita ng insidenteng ito ang araw-araw na panganib na kinahaharap ng ating mga alagad ng batas, at ang tapang na kinakailangan upang maglingkod at magprotekta sa publiko.

“Ang katapangan ni PSSg Navarro ay isang paalala ng sakripisyong ginagawa ng ating mga pulis araw-araw. Tumugon siya sa tawag ng tungkulin nang walang pag-aalinlangan, batid ang mga panganib. Iyan ang tunay na serbisyo. Ipinagdarasal namin ang kanyang agarang paggaling at taas-noo naming kinikilala ang kanyang kabayanihan,” ayon kay PGen Marbil.

Nagpaabot naman ng buong suporta ang Philippine National Police kay PSSg Navarro at sa kanyang pamilya at sa lahat ng piniling maglingkod nang may dangal at katapangan, sa kabila ng panganib.

Kakasuhan naman ang suspek ng alarm and scandal, direct assault, attempted murder, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 (BP 6) at Batas Pambansa Blg. 881 (BP 881) sa Parañaque Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings.

Kung ganito ang ating mga awtoridad ay walang kaduda-dudang babalik ang tiwala sa kanila ng publiko.

Sa ‘At Your Service’ ay binibigyan natin ng pagpupugay ang katulad ni Sgt. Navarro, saludo ako sa ‘yo, sir! Pagaling ka, sir.

oOo

Para sa inyong katanungan mag-text o tumawag sa cell# 0917-861-0106.

43

Related posts

Leave a Comment