TARGET ni KA REX CAYANONG
SA darating na halalan ngayong May 12, 2025, muli na namang mamimili ang sambayanang Pilipino kung sino ang karapat-dapat na kumatawan sa kanilang tinig sa Kongreso.
Kaya sa hanay ng mga party-list na naglalayong itaguyod ang kapakanan ng karaniwang mamamayan, kapansin-pansin ang mabilis na pag-angat ng Asenso Pinoy, batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ayon sa naturang survey na isinagawa noong Abril 11–15 at kinomisyon ng Stratbase, nakakuha ang Asenso Pinoy ng 4.08% ng boto mula sa mga respondent na pumili ng party-list.
Ang porsyentong ito ay sapat upang makapagluklok ng dalawang kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa gitna ng 155 na akreditadong party-list sa sample ballot, malinaw na nakapag-ukit ng tiwala ang Asenso Pinoy mula sa masa.
Hindi na ito nakapagtataka. Kilala ang Asenso Pinoy sa kanilang adbokasiya para sa mga maliliit na negosyante, mga komunidad sa laylayan, at sa pagsusulong ng inklusibong kaunlaran—isang uri ng pag-unlad na hindi lamang para sa iilan, kundi para sa lahat.
Sa panahon kung kailan kailangan nating lahat ng konkretong tulong at tunay na kinatawan, ang pagkakamit ng Asenso Pinoy ng dalawang puwesto ay isang malaking hakbang patungo sa mas makataong lehislatura.
Kasama ng Asenso Pinoy sa listahan ng mga grupong may tiyak nang upuan sa Kongreso ay ang Tingog Party List at ang 4K Party List, na parehong pumasa sa 2% minimum na kinakailangan para sa isang puwesto.
Ang Tingog ay patuloy na nagsisilbing boses ng mga rehiyong matagal nang naisantabi sa pambansang talakayan, habang ang 4K ay nakatuon sa kabataan, kabuhayan, kalikasan, at komunidad—mga haliging bumubuo sa pangmatagalang kaunlaran.
Sa pagtatapos ng survey, ipinamalas ng taumbayan ang kanilang kagustuhan para sa pagbabago at tunay na representasyon.
Ngunit tandaan pa rin na hindi survey ang magtatakda ng kinabukasan kundi ang aktibong pakikilahok ng bawat botante.
Ngayong May 2025 polls, ihalal natin ang mga kinatawang may malinaw na adbokasiya, may puso para sa serbisyo, at may kakayahang tumindig para sa interes ng sambayanan.
Asenso Pinoy. Tingog. 4K. Tatlong party-lists, iisang layunin: ang iangat ang bawat Pilipinong nangangarap ng mas maayos na bukas.
