UMABOT sa halos P175 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa tatlong lalaking magkakapatid, kabilang ang isang menor de edad, sa buy-bust operation noong Sabado ng umaga sa Caloocan City.
Arestado ang mga suspek na sina Kalif Latif, 24, (watch listed), Akisah, 18, at ang kanilang 14-anyos na binatilyong kapatid, pawang mga estudyante.
Nakumpiska sa magkakapatid ang 25 kilo at 700 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P174,760,000 ang halaga.
Ayon sa pulisya, higit isang linggong minanmanan ang mga suspek bago isinagawa ang buy-bust operation sa kanilang bahay sa Block 30, Lot 17, Phase 12, Brgy. 188, Tala, Caloocan city.
Isang undercover cop ang nakipag-deal sa mga suspek ng P120,000 halaga ng shabu at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang plastic ng shabu na tinatayang 700 gramo ang timbang, ay agad silang sinunggaban ng mga pulis.
Nakumpiska rin sa mga suspek ang dalawang traveling bag na kinalalagyan ng 25 kilo ng shabu.
Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang inilipat na sa pangangalaga ng social welfare ang menor de edad. (ALAIN AJERO)
