TALIWAS sa nakagawiang magarbong pagdiriwang, isang simple subalit makahulugang aktibidades kaugnay ng ika-135 taong anibersaryo ang ginanap ng Bureau of Customs – Port of Cebu (BOC-POC) nito lamang nakaraang Biyernes.
Sa temang “Service-Oriented Achievements for Recovery: SOAR, Port of Cebu!” noong Setyembre 3, mas minabuti ng pamunuan ng nasabing tanggapan na iwaksi ang malapiyestang selebrasyon at sa halip ay nagsagawa na lamang ng taimtim na panalangin at pagkilala sa mga kawaning pumanaw sa pagtupad ng tungkulin.
Bilang tugon sa pinaiiral sa restrictions, isang virtual Eucharistic Mass na sinundan ng Awarding Ceremony na dinaluhan ng mga kawani mula sa iba’t-ibang tanggapan.
Sa pangunguna ni Acting District Collector Charlito Martin Mendoza, nag-alay ng ilang sandali ng katahimikan para ipanalangin ang aniya’y mga magigiting na kawaning pumanaw sa pagganap ng kanilang tungkulin sa kabila pa ng panganib na dulot ng pandemya.
Kinilala rin sa virtual event ang bawat opisyal at kawaning patuloy na nagsisikap sa iniatang na mandato sa kanilang ahensya.
Ani Mendoza, bagama’t simple ang kanilang paggunita sa anibersaryo ng kanilang tanggapan, nakatityak naman aniya siyang makahulugan ang bawat sandali, kasabay ng pangakong lalo pa nilang pagbubutihin ang trabaho sa pagtahak ng panibagong taon ng paglilingkod.
“By focusing on Service-Oriented Achievements for Recovery, we can take the Port of Cebu into even greater heights of accomplishments.
The achievements we have, and will have during this pandemic, will serve as the foundation for future achievements post-quarantine. What we get done during these most difficult of times will be the template upon which future work on transformation and service delivery will be based on. We have the obligation to ensure that what we do are not mere stop-gap measures, but rather solid, yet flexible springboards to catapult future projects of the Bureau,” sambit pa ni Mendoza.
Kasabay nito, ay namahagi ng plake ng pagkilala sa lahat ng Port divisions at maging sa mga kawani ng sub-ports para sa hindi matatawarang kontribusyon sa pag-abot sa mandato ng kawanihan.
Binigyang pugay rin ni Mendoza ang top importers at partner agencies ng BOC-POC para sa kanilang makabuluhang kontribusyon sa kanilang revenue collection performance, at para sa kanilang proactive approach sa inter-agency coordination.
At dahil virtual event lamang ang selebrasyon, inihatid na lamang sa kani-kanilang tanggapan ang mga plakeng iginawad ng kawanihan bilang pagsunod na rin sa umiiral na quarantine protocols.
Tumanggap din ng special commendations ang mga Sub-Ports ng Mactan at Dumaguete para sa tinamong ISO 9001:2015 Certification. Samantala, kinilala rin ang Office for Strategy Management na nanguna sa sa “Performance Governance System journey” ng nasabing tanggapan.
Una nang pinarangalan sina retired customs officers Felix Pumatong, Reynaldo Lacosta at Victor Murcia para sa kanilang mahabang taong paglilingkod, habang si Atty. Evangeryl A. Muñez ay pinuri naman sa kanyang pagpasa sa 2019 Bar Examination.
Nagsagawa rin ng community outreach at gift-giving para sa mga nakakatanda “Gasa sa Gugma” Home for the Dying Destitute, at kabataan ng Children of Cebu Foundation, Inc. and Children’s Haven. (JOEL AMONGO)
216 