INIREKLAMO ng isang watchdog ang magkapatid na politiko sa Quezon City dahil umano sa paggamit sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) para sa kanilang interes.
Base sa reklamo na inihain ng Bantay Kaban—Citizens Forum Against Corruption and Poverty sa Presidential Complaint Center kamakailan, tinukoy ang magkapatid na Quezon City Rep. Alfred Vargas at Quezon City Councilor Patrick Michael ‘PM’ Vargas na umano’y nasa likod ng scam sa TUPAD program ng gobyerno.
Ang TUPAD ay ‘cash for work’ program ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagbibigay ng ayuda sa mga manggagawa na nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya dulot ng COVID-19.
Ayon kay Bantay Kaban convenor Ryan Serrano Morales, ginagamit umano ng magkapatid na Vargas ang TUPAD para sa 2022 elections dahil tatakbo ang nakababatang Vargas na si PM bilang congressman ng 5th district.
Lumalabas sa reklamo na inaalok ng mga Vargas ang TUPAD sa mga tao kapalit ng kanilang serbisyo bilang ‘precint commanders’, ‘warriors’, at ‘solid friends’.
Isiniwalat din ng watchdog na binibiyak pa ang bawat TUPAD payout sa tatlong tao upang mas maraming bayaran na tagasuporta ang makuha ng mga Vargas.
Idinagdag pa ng Bantay Kaban na ang ginawa ng magkapatid ay labag sa Republic Act 3019 o Anti-graft and Corrupt Practices Act at Batas Pambansa 881 o ang Omnibus Election Code.
“We are hoping that through you, this corrupt practice will be put to an end,” sabi ni Morales sa kanyang reklamo sa Malakanyang.
Bukod sa Presidential Action Center, inihain din ng Bantay Kaban ang reklamo nito sa DOLE, Presidential Anti-Corruption Task Force, Department of Interior Local Government at sa tanggapan ni House Speaker Lord Velasco.
Nakarating sa Bantay Kaban ang nasabing katiwalian dahil na rin sa sumbong ng isang benepisyaryo ng TUPAD na ipinamumudmod ng mga Vargas na sinibak sa listahan matapos malaman umano ng magkapatid na dinalaw siya ng ibang mga opisyal ng siyudad.
Nauna nang pinangalanan ni Pangulong Duterte si Rep. Alfred Vargas sa listahan ng mga ‘korap’ na kongresista dahil sa pangongomisyon sa mga kontraktor ng mga proyekto sa Quezon City.
