PUNA ni JOEL O. AMONGO
ISANG buwan na lang at papasok na ang simula ng ber months (September). Ano kaya ang magiging Pasko ng mga Pilipino?
Nang magsimula ang giyera sa pagitan ng Israel at Iran noong June 13, 2025, ay agad na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Itataas sana ang presyo ng gasolina at diesel kada litro ng limang piso, subalit humiling ang pamahalaan sa mga kumpanya ng langis na ‘wag biglain ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo para hindi masyadong mabigatan ang mga driver at operator ng mga pampasaherong jeepney.
Nadagdagan pa ng sobrang pamumulitika sa Pinas, kaya hindi natutukan ang mga dapat gagawin ng pamahalaan tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nasusubaybayan natin kung gaano kabilis magmahal ng mga bilihin dahil halos araw-araw tayong namimili ng mga pagkain tulad halimbawa ng karneng baboy na ang presyo ng kada kilo ay mahigit sa apat na raan (P400) kada kilo.
Halos mas mataas na ang presyo ng karneng baboy kaysa karneng baka, kaya apektado pati ang mga nagnenegosyo ng mga karinderya.
Ang ipinagdarasal na lang ng mga Pilipino na sana pagdating ng Disyembre 2025 ay hindi masyadong tumaas ang presyo ng mga bilihin.
Sa ating karanasan, tuwing sumasapit ang ber months, (September, October, November, at December), lahat ng presyo ng mga bilihin ay tumataas.
Sinasabing ang pangunahing dahilan ay tag-ulan, madalas nagkakaroon ng bagyo kaya ang mga pananim ay nasisira, pumapasok ang mga sakit ng tao, at mga hayop kaya kinakapos ng mga suplay nito sa mga pamilihan. Ganun din sa isda, kaya tumataas ang presyo nito dahil hindi makapalaot ang mga mangingisda dahil maalon ang karagatan.
Sabihin nating totoo lahat ‘yan, pero sana gumagawa ng paraan ang gobyerno na hindi masyado umepekto ito sa mga ordinaryong mamamayan na umaasa sa mababang presyo ng mga bilihin.
Hindi dapat puro pamumulitika ang pinagkakaabalahan tulad ng ginagawa ng mga mambabatas ngayon sa usapin ng impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte.
Ang dapat pagkaabalahan nila ay ang paggawa ng mga batas kung paano matutulungan ang mga Pilipino na makaagapay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at hindi puro sila pamumulitika.
Sa impeachment ay ginagamit din ang pondo riyan, ang pera na gagamitin sana riyan ay gamitin na lang para maayudahan ang naghihirap na mga Pilipino partikular sa pangunahing mga pangangailangan natin.
Mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin pero ang dagdag-sweldo ng mga manggagawang Pilipino ay matagal bago naibibigay ng mga kumpanya sa kanilang mga manggagawa.
Paano na ang Pasko ni Juan dela Cruz? Paskong Tuyo ba ang naghihintay kay Mang Juan?
Marami rin ang apektadong Overseas Filipino Workers sa sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.
Sa katunayan, mayroon nang ilan sa kanila ang pinili na umuwi na lamang dahil sa takot na madamay pa sila sa bombahan ng dalawang bansa.
Ngayon, muli na namang nagbabadya ang giyera sa pagitan ng Israel at Yemen.
Ang susunod n’yan baka lalo pang tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo. Palagay ko sasabihin ng iba, bahala na si Batman.
oOo
Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
