CAVITE – Makaraang magpositibo sa drug test, nag-AWOL (Absent Without Official Leave) ang isang security inspector at tinangay ang 11 baril ng kanilang kumpanya sa Dasmariñas City noong Huwebes ng hapon.
Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si alyas “Eddie” 32, security inspector ng La Immaculada Security Agency at residente ng Dasmariñas City, nahaharap sa kasong qualified theft.
Una dito, nagsagawa ng random drug testing ang La Immaculada Security Agency sa Brgy. San Agustin II, Dasmariñas City, Cavite noong Hunyo 6, 2024 sa kanilang mga security guard kabilang si Eddie.
Ngunit noong Hunyo 7, biglang nag-AWOL ang suspek nang mabatid na positibo siya sa drug test.
Noong Hulyo 2, 2024, nagsagawa ng inspection si alyas “Jeffrey”, Operations Officer ng security agency, kabilang ang issued firearms sa kanilang mga guwardiya at dito natuklasan na hindi na pumapasok ang suspek at tinangay ang kanyang issued firearms.
Natuklasan din ng opisyal ng security agency na nawawala rin ang sampung iba pang mga baril na nakalagay sa vault kung saan mayroon access ang suspek. (SIGFRED ADSUARA)
