MALIIT NA BARKO NG PCG PLANONG BANGGAIN NG CHINA COAST GUARD

LUMILITAW umano sa initial assessment ng Armed Forces of the Philippine, malinaw na sinadya ng mga barko ng China na ipitin at banggain ang maliit na barko ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Bajo de Masinloc sa Zambales.

Mabuti na lamang umano at mabilis na nakaiwas ang PCG vessel kaya hindi natuloy ang banggaan at sa halip sa maling kalkulasyon at bilis ng takbo, ang dalawang barko ng China ang nagbanggaan.

Sa ginawang panayam ng media kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief-of-Staff Gen. Romeo Brawner Jr. nang dumalo ito sa pagdiriwang ng PNP 124th Police Service Anniversary kahapon sa Camp Crame, mariin nitong sinabi na malinaw na “aggressive tactics” ang ipinamalas ng China sa pinakahuling insidente sa Bajo de Masinloc, West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Brawner, kitang-kita sa video ang pagiging agresibo ng mga barko ng China.

Ayon pa sa heneral, walang karapatan ang China na angkinin ang Bajo de Masinloc dahil malinaw na bahagi ito ng teritoryo ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Brawner, gaya ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi naghahangad ng digmaan ang AFP ngunit hindi rin sila uurong sa anomang banta laban sa bansa.

Kasabay nito, tiniyak ni Brawner na kaisa ng AFP ang Department of National Defense (DND) at PCG sa paglaban para sa karapatan ng mga Pilipino.

“As emphasized by the President, the Philippines does not seek war, nor do we provoke confrontation. However, the AFP will continue to perform its sworn duty to uphold and defend our national interests, despite persistent external challenges. The call to defend the motherland is not one of aggression, but of patriotic obligation” ani Gen Brawner.

“Hindi po tayo nang-aaway, ngunit hindi rin tayo uurong. Sa bawat hamon, nariyan ang ating Sandatahang Lakas upang ipagtanggol ang ating teritoryo, ang ating dangal, at ang ating kapayapaan,” dagdag pa ni Brawner.

Muling binigyang diin ng Department of Defense (DND) ang posisyon ng Pilipinas pagdating sa usapin ng territorial disputes sa West Philippine Sea (WPS).

Malinaw aniya na ito ay hindi paghahangad o pagsisimula ng isang giyera bagkus ay pagpapakita lamang ng kahandaan na kayang gawin ng Pilipinas ang lahat upang ipagtanggol ang sovereign rights nito sa kaniyang territorial waters.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, ang kanilang paninindigan sa usaping ito ay hindi nagpapakita ng agresyon dahil ito ay isang sinumpaang tungkulin ng bawat mamamayan.

Matapos nito, muling inihayag ng kalihim ang mga naging naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bagama’t pangunahing layunin ng Pilipinas ang makapagbigay at mapanatili ang kapayapaan ay hindi dapat balewalain ang mga aksyon ng panghaharas at maging ang ilegal na presensya ng mga barko na pagmamay-ari ng China.

(JESSE RUIZ)

81

Related posts

Leave a Comment