MALING AKALA NI ERAP

BAGWIS

NAKAKATAWA ang reaksyon nitong si dating convicted President at ex-Manila Mayor Erap Estrada noong malaman niyang inilampaso siya ni Mayor-elect Isko Moreno. Hindi raw kapani-paniwala na matatalo siya dahil lagi naman daw siyang lamang sa mga survey.

Ang hindi alam ni Erap ay nai-scam siya ng kanyang mga bataan. Palibhasa ay matanda at halatang hindi na ito nakakapaglibot sa kanyang nasasakupan ay umaasa na lang siya sa mga sinasabi ng kanyang mga tauhan.

Pati nga survey na pinapakita sa kanya ay puro gawa-gawa kaya hindi na napupulsuhan ni Erap ang kanyang mga nasasakupan.

Ang buong akala niya ay pawang mga utu-uto ang mga taga-Maynila na kaya niyang paikutin.

Ang hindi alam ni Erap ay habang siya ay pa-relax-relax lang ay lalong lumalalim ang pagkadismaya ng mga Manilenyo sa kanyang uri ng panunungkulan.

Wala siyang kamalay-malay na isinusuka na siya ng mga Manilenyo dahil sa serbisyo ng kanyang pamahalaan. Hindi niya namamalayan na ang kanyang administrasyon ay iba na ang imahe.

Aba’y mantakin niyo, kahit mga gilid ng kalsada ay ginawa umanong hanapbuhay ng ilan at naniningil ng P50 kada parada gaya ng sa mga mall.

Walang kamalay-malay si Erap na galit na sa kanya ang kanyang mga nasasakupan. ‘Yan ang dahilan kung bakit wala rin siyang kamalay-malay na wala na pala sa kanya ang suporta ng mga mamamayan.

Ang mas masaklap ay hindi naging totoo sa kanya maging ang kanyang mga sariling tauhan. Pinaniwala siya na mahal pa rin siya ng mga Manilenyo sa kabila ng kanyang naging liderato.

Ang resulta ay natalo siya dahil sa maling mga survey at maling mga payo mula sa kanyang mga bataan. Natalo siya dahil sa maling akala. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

385

Related posts

Leave a Comment