(NI ABBY MENDOZA/PHOTO BY LUCAS LUKE)
HINIKAYAT ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao ang publiko na makiisa sa kilos-protesta laban sa iregularidad sa 2019 midterm elections na hindi inaksyunan ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Casilao, naging tahimik ang poll body sa mga reklamo ng pandaraya at vote-buying gayundin ang discrepancies sa halalan gaya ng nangyari sa Bayabas, Surigao Del Sur kung saan sinasabing isang boto lang ang nakuha ng Anakpawis sa kabila ng marami silang volunteers.
Aniya, nadungisan ang integridad at kredibilidad ng resulta ng eleksyon dahil sa pagkasira ng mga vote counting machines na nakaapekto sa sagradong balota gayundin ang pagkaantala ng botohan kaya nagsiuwian na lang ang mga botante.
Samantala, isinisi naman ni Kabataan Party-list Rep Sarah Elago sa partisan campaigning ng militar at pulisya laban sa mga militanteng party-list groups sa pamamagitan ng tarpaulin at school forum ang kabiguan nilang makabalik sa Kamara.
Iginiit ni Elago na kung hindi umano nanghimasok ang law enforcers, hindi nagdeklara ng Martial Law sa Mindanao at hindi minanipula ng pamahalaan ang resulta ay walang mangyayaring electoral crisis.
Batay sa partial and unofficial tally ng Comelec mula sa transparency server, parehong nanganganib na mawalan ng puwesto sa Mababang Kapulungan ang Anakpawis at Kabataan habang malaki naman ang tsansa ng Bayan Muna, Gabriela at ACT Teachers.
183