DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa mga batas na ayaw pakialaman at amyendahan ng Kongreso ay ang pagpapataw ng parusa sa mga motorista na walang kasalanan sa aksidente na sa palagay ng nakararami ay maling batas.
Tulad na lamang ng aksidente sa Skyway na naging viral nang pumasok ang rider sa maling lane at bumangga sa sinalubong na sasakyan na naging dahilan ng pagkamatay niya at pagkasira ng sasakyan ng motorista.
Dahil namatay ang rider ay ikinulong ang driver ng sasakyan dahil ‘yun ang batas. Kahit walang kasalanan ang motorista sa aksidente ay siya pa rin ang may pananagutan dahil ‘yan daw ang umiiral na batas.
Alam ‘yan ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso dahil nanonood at nagbabasa naman ang mga ‘yan ng mga balita pero ewan ko kung bakit wala ni isa man sa kanila ang makaisip na amyendahan na ang batas na ito.
Hindi ko kilala nang personal ang motorista sa Skyway pero wala akong makitang dahilan para siya kasuhan dahil nasa tamang linya naman siya at ang malinaw na may kasalanan sa aksidente ay ang lasing na motor rider.
Bawal ang maliliit na motor sa mga skyway at lalong bawal na salubungin ang mga sasakyan kaya hindi ko maintindihan bakit ang may kasalanan ay ang driver ng sasakyan? Nasaan ang katarungan?
Matagal na ang problemang ‘yan dahil kahit ‘yung mga motorista na binangga sa likod ng ng isang kamote rider o kaya ogag na motorista ay sila pa rin ang may kasalanan. Sila na nga ang binangga pero sila pa rin ang may sala. Saan ang hustisya riyan?
Alam ko na alam ng traffic enforcers lalo na ang Highway Patrol Group na mali ang batas na ito pero wala silang magagawa kundi sumunod sa batas kaya ang solusyon d’yan, gumawa ng bagong batas ang Kongreso.
Sa ngayon ang tinatalakay sa Kamara ay ang pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga maiinit ang ulo sa lansangan para maibsan ang road rage pero walang nakaiisip sa mga congressman at mga senador na alisin ang pagkakasala sa isang motorista na sila na nga ang binangga ay sila pa ang may kasalanan.
Itong ginagawa namang batas sa Kongreso na anti-road rage act, mukhang ‘yung mga agresibo lang ang parurusahan at walang parusa sa mga nag-provoke sa kaalitang motorista para magalit ito.
Hindi naman siguro magagalit ang isang motorista kung hindi siya ginagago ng kapwa motorista sa lansangan pero sila lang ang target na parusahan sa ginagawang batas sa Kongreso ngayon at ‘yung nag-instigate ng away ay magiging hero pa.
Totoong may mga motorista na ogag sa lansangan at may batas na laban sa kanila pero hindi lang iniimplementa nang maayos lalo na kung ang mga ito ay konektado, mayaman at may sinasabi sa lipunan.
Hindi ko ako kampi sa mga sangkot sa road rage lalo na ‘yung mga nagbabanta, bumunot ng baril at malaswa ang bunganga, pero may mga rider at kapwa motorista naman kasi ang tila nagsisimula ng away tulad ng pagka-cut sa harapan mo at gumigitgit sa ‘yo na naging dahilan para magkaroon ng away sa kalsada at kapag nag-away na ang magiging ‘biktima’ ay ang hindi nagsimula ng gulo. Hay Naku!
174