Mandatory vaccination itinulak sa Kamara MULTA, KULONG SA TATANGGI

GAGAWING mandatory ang pagbabakuna laban sa coronavirus diseases 2019 o COVID-19 at sinoman ang tatanggi ay pagmumultahin at ipakukulong bilang parusa.

Ito ang nakapaloob sa House Bill (HB) 9252 na inihain ni Dasmariñas City, Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., kung saan aamyendahan ang ilang probisyon sa Republic Act (RA) 11525 o COVID-19 Vaccination Program Act of 2020″.

Ginawa ni Barzaga ang nasabing panukala dahil mayorya pa rin aniya sa mga Filipino ay may pagdududa sa COVID-19 vaccines gayung ito lamang ang paraan para makabalik na sa normal ang bansa.

Tinukoy ng mambabatas ang survey ng OCTA Research Group noong Enero 26 hanggang Pebrero 1, 2021 kung saan 19% lamang sa mga respondent ang gustong magpabakuna, P46% ang tutol at 35 ang wala pang desisyon.

“A mandatory mass wide COVID-19 Vaccination Program is imperative to solve the present COVID-19 pandemic and achieve herd immunity or population immunity,” ani Barzaga dahil maaaring magkalat pa rin ng virus ang mga ayaw magpabakuna.

Ipinaliwanag ng mambabatas, maraming bansa na ang unti-unti nang nagbubukas matapos magpabakuna ang kanilang mamamayan kabilang ang United Kingdom.

Dahil dito, kailangan aniyang obligahin ang lahat ng mga Filipino na magpabakuna dahil ito lamang ang tanging paraan para makabangon ang bansa sa pandemya at sinoman ang tatanggi, maliban sa mga may sakit na hindi pinapayagan ng kanilang mga doktor na mabakunahan, ay mahaharap sa mabigat na parusa.

“Any person who violates any provision of this Act, or any of its rules and regulations or without permission of the quarantine officer in charge, shall be punished by a fine of not more than fifty thousand pesos, or by imprisonment for not more than one year, or both,” ayon sa inirekomenda ni Barzaga na parusa sa kanyang panukala.

Ganito rin ang ipapataw na parusa sa mga taong magpapakita ng pekeng vaccine card at sa mga nag-iisyu ng pekeng dokumento.

Kasama rin sa mga parusa na ipapataw ay hindi papayagan ang mga hindi nagpabakuna na pumasok sa mga mall at iba pang pampublikong lugar at hindi ie-enroll sa eskuwelahan at hindi papayagang bumiyahe.

“Mass vaccination has the power to end the crisis of the COVID-19 pandemic, reduce the virus to a manageable risk and let normal life resume,” ayon pa kay Barzaga sa kaniyang panukala kaya umapela ito sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na agad itong pagtibayin.

Samantala, para sa Malakanyang ay hindi pa kailangang gawing mandatory ang pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Bagaman nire-require ng estado ang mamamayan na magpabakuna ay hindi ito dapat gawing mandatory lalo pa’t nananatiling mababa ang suplay ng bakuna.

“Bilang isang abogado, kabahagi ng police power ng estado ang i-require ang bakuna kung talagang kinakailangan pero sa ngayon naman mukhang hindi naman kinakailangan mandatory yan dahil hinihintay pa natin ang bulto ng ating mga bakuna,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

256

Related posts

Leave a Comment