MANGINGISDA HINILA NG ISDA, NALUNOD

CEBU – Nalunod ang isang mangingisda matapos na hilahin ng kanyang nahuling isda sa bayan ng Boljoon sa lalawigan noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ng biktimang si Gregorio Viñan, residente ng Barangay Baclayo.

Ayon sa inisyal na report ng Boljoon Police, dakong alas-10 ng gabi, nangingisda ang biktima at isa pa nitong kasama sa karagatang sakop ng Barangay South Granada, sa pamamagitan ng pamamana.

Tinamaan ng pana ng biktima ang isang malaking grouper fish na kilala sa lokal na pangalan na Pugapo .

Subalit sa kasamaang palad, hinila ng isda ang pisi na nakakabit sa fishing gear na nakatali sa biktima at kasamang itong nadala patungo sa malalim na bahagi ng dagat.

Nang hindi lumilitaw ang biktima, nag-alala na ang kasama nito kaya sumisid na rin para hanapin ito. Ngunit natagpuan itong walang malay sa tabi ng isda.

Agad nitong iniahon ang biktima at isinugod sa ospital subalit wala na itong buhay.

Nakuha rin nito ang nahuling isda ng biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

228

Related posts

Leave a Comment