MABILIS ang nakikitang paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila, batay na rin sa pinakahuling datos na nagsasabing nasa 65% na ang occupancy rate ng Manila COVID-19 Field Hospital sa Luneta, mahigit isang buwan mula nang ito’y magsimula ng operasyon.
Kasabay nito, isang pasasalamat naman ang ipinaabot ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa libong volunteers na tumugon sa inilunsad na “Bayanihan sa Maynila” para sa walang puknat na pagbabakuna sa kabisera.
Sa ilalim ng itinakdang “walang tulugan” vaccination ng lungsod, nagtalaga ng tatlong vaccination sites sa bawat isa sa anim na distrito ng Maynila.
Base sa pinakahuling datos ng MCFH na pinangangasiwaan ni Dr. Arlene Donguez, lumalabas na 121 na lamang sa 344 bed capacity ng nasabing pasilidad ang bakante – para sa katumbas na 65% occupancy rate.
Umapela rin ang alkalde sa mga residente na tupdin ang minimum public health safety protocols sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19, partikular ang higit na nakakahawang Delta variant nito.
Bunsod nito, isasailalim din ng pamahalaang lungsod ang lahat ng volunteers bilang bahagi ng vaccination team sa isang orientation na ibabahagi naman nina Manila Health Department Deputy Chief Dr. Ed Santos, Executive Assistant Weng Santiago at Jet Aquino, bilang paghahanda sa gagawing pagtugon sa sandaling dumating ang bagong batch ng mga bakuna para sa Maynila.
Kaugnay nito, umapela ang alkalde ng Maynila sa mga residente na makipagtulungan sa pamahalaang lungsod, makaraang makatanggap ng impormasyon hinggil sa mga residenteng tumutungo sa mga designated vaccination sites kahit wala pang abiso.
Sa pinakahuling tala, nasa 99.2% ng mga naturukan ng first dose sa lungsod ng Maynila ang bumalik para sa ikalawa at huling bakuna.
1.4M bakuna
Ibinalita rin ng alkalde na mahigit 1.4M bakuna na ang naiturok sa Maynila simula nang umpisahan ang mass vaccination program noong Marso ng taong ito at may 824,920 katao na ang naturukan hanggang noong Martes, Aug. 3
Ayon kay Mayor Isko, sa kabuuang bilang ng mga taong nabakunahan ay 80 percent o 629,038 ay fully-vaccinated. Sila ay kasamang bumubuo ng 1,065,149 residente na ang edad ay mula 18 hanggang 100 o yung nabibilang sa populasyon na kwalipikadong mabakunahan.
Sa datos na nagmula kina Vice Mayor Honey Lacuna – Pangan at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, sinabi ni Moreno na patuloy na binubura ng vaccinating teams ng lungsod ang sariling record pagdating sa usapin ng bilang ng bakuna na naituturok sa isang araw.
9 Metro cities
may Delta variant
Samantala, siyam na lungsod sa Metro Manila ang nakapagtala ng kaso ng Delta variant. Kabilang dito ang Malabon (4), Makati (3), San Juan (2), Las Piñas (14), Valenzuela (1), Pasig (6), Mandaluyong (2), Maynila (12) at Caloocan (4).
Kasabay nito, iniulat din ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na ang NCR ay nakapagtala na rin ng average na 1,535 bagong kaso ng COVID-19 kada araw, mula Hulyo 27 hanggang Agosto 2. Aniya, ang bagong datos ay 65% na mas mataas kumpara sa naitalang mga kaso noong nakaraang linggo.
Pasok na rin ang Pateros at Malabon sa critical-risk areas dahil sa kanilang mataas na two-week case growth rate at average daily attack rate (ADAR) habang ang iba pa namang lungsod sa Metro Manila ay nasa high-risk naman dahil sa mataas na ADAR, maliban sa Marikina at Caloocan.
Ang Las Piñas naman ang nakapagtala umano ng pinakamataas na intensive care unit (ICU) utilization rate sa 86%, kasunod ang Muntinlupa na nasa 72% at Quezon City na nasa 71%.
Ang ICU occupancy rate naman sa lahat ng lungsod ay nasa moderate-risk to low-risk zone.
Batay naman sa datos mula sa National Vaccination Operations Center, lumilitaw na hanggang Agosto 1, nasa 48.55% o 4.7 milyon na sa mahigit 9.6 milyong adults sa Metro Manila ang nakatanggap ng hanggang unang ng COVID-19 vaccine.
Mayroon naman nang kabuuang 3,471,666 indibidwal sa rehiyon ang fully-vaccinated na o nakatanggap na ng dalawang dose ng bakuna.
Ang Metro Manila ay isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) simula Agosto 6 hanggang 20 bilang tugon ng pamahalaan sa nakaamabang pagkalat ng Delta variant sa rehiyon.
Nasa 216 na rin ang naitalang kumpirmadong kaso ng Delta variant sa bansa. (RENE CRISOSTOMO)
171 