UMABOT sa 2,850 food boxes ang ipinadala ng Manila City government sa mga dating residente ng Maynila na nailipat na sa tatlong relocations sites sa Cavite at Bulacan, upang makatulong sa kanila ngayong pandemya sa COVID-19.
Nabatid na may kabuuang 2,850 food boxes ang ipinadala ng Department of Public Services (DPS) sa na-relocate na mga pamilya sa Naic, Cavite; Pandi at Norzagaray sa Bulacan.
Ipinamahagi ito ng Manila City government sa utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, sa mga residente ng Naic, Cavite na umabot sa 800 food boxes, habang 1,400 sa Pandi, Bulacan, at 650 naman sa Norzagaray, Bulacan.
Ayon sa alkalde, umaasa siya na kahit kaunti ay makatulong ang naturang food boxes sa naturang relocatees.
“I hope nakatulong nang kaunti ang inyong pamahalaang lungsod ng Maynila. Basta kaya nating abutin. Mapa-Maynila man o sa labas ng Maynila. It doesn’t matter. Ang importante ay magtulungan tayo. Kasi pandemya ito,” pahayag ni Moreno.
Unang inilunsad ng Manila City government ang Food Security Program (FSP) noong Pebrero upang matiyak na walang pamilya sa Maynila ang magugutom.
Sa ilalim ng programa, pinagkakalooban ng food boxes ang 700,000 mahihirap na pamilya sa 896 barangay sa lungsod kada buwan.
Ito na ang ikatlong buwan na nagpapadala ng food boxes ang pamahalaang lungsod ng Maynila para sa kanilang mga residente.
Ang bawat food box ay naglalaman ng tig-tatlong kilos bigas, 16 na de-lata at walong sachet ng kape.
Ang pamamahagi ng food boxes para sa kasalukuyang buwan ay nakumpleto na nito lamang Abril 20.
Kasalukuyan nang inihahanda ng lokal na pamahalaan ang food boxes na nakatakda namang ipamahagi muli sa mga residente para sa buwan ng Mayo.
Paniniguro pa ng alkalde, walang pinipili ang lungsod ng Maynila sa pamimigay nila ng tulong dahil mayaman man o mahirap at botante man o hindi ay kasali rito. (RENE CRISOSTOMO)
220
