(NI BERNARD TAGUINOD)
BIBIGATAN na ang parusa sa mga mang-aabuso at magsasamantala sa mga bata kasunod ng hindi matigil-tigil na paggamit sa mga ito ng sindikato para mamalimos o kaya ibenta sa internet.
Lahat ng mga miyembro ng House committee on the welfare of children na pinamumunuan ni Tingog party-list Rep. Yedda Romualdez ay bumoto sa House Bill 137 para bigatan ang parusa sa Child abuse law na ginawa pa noong 1992.
“The law needs updating now and the penalties imposed therein do not seem attuned to the 21st century. It is the duty of the 18th Congress to ensure that laws of the country keep up with the times to secure and protect our citizens,” ani Bataan Rep. Geraldine Roman, isa sa mga may akda sa nasabing panukala.
Ayon sa nasabing mambabatas, mula ng maging batas ang anti-child abuse law ay maraming paring kabataan ang inaabuso, hindi lamang ng mga dayuhan kundi ng mga Filipino mismo kaya dapat pabigatin na ang parusa sa mga salarin.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala sinuman ang mahuhuling sangkot sa child pornography at ibebenta ang kanilang larawan o kaya magla-live show para mga pedopilya ay mahaharap sa parusang reclusion temporal o 12 taon hanggang 20 taong pagkakabilanggo mula sa dating 6 taon hanggang 12 taon lamang.
Parurusahan na rin ng hanggang 20 taong pagkakabilanggo ang mga mananakit sa mga bata mula sa dating isang buwan buwan hanggang anim buwang pagkakabilanggo lamang at multang P400,000.
Mahaharap naman sa parusang habambuhay na pagkakabilanggo ang mga taong gagamitin sa mga bata para mamalimos, magtulak ng ilegal na droga na karaniwang nangyayari ngayon.
