MAS MALI KA SENATOR VILLAR

TALAGANG hindi natin makakamit ang pangarap nating magkaroon ng food security sa sarili nating bansa dahil inuubos ng mga negosyante ang mga sakahan para pagtayuan nila ng subdivision at mga factory.

Lalong hindi natin makakamit ang pangarap na ito kung lahat ng mga mambabatas ay tulad ni Senador Cynthia Villar na nagsasabing mali raw ang sinasabi ng marami na hindi dapat i-convert sa subdivision at factory ang mga sakahan.

Ayan tuloy, naibabash si Senador Villar at ipinamumukha sa kanya ng netizens na mas mali ang kanyang pag-iisip at kung baga, kotang kota na sya sa mga magsasaka sa ating bansa.

Buti na lang ay nag-iisa si Senador Villar sa ganitong klase ng pag-iisip dahil kung hindi ay darating ang araw na wala na tayong masasakang lupa dahil ginawa na nilang subdivision.

At kapag nangyari ito, darating ang araw na aasa na lang tayo ng supply ng pagkain mula sa ibang bansa. Huwag naman sana, dahil lalong marami ang magugutom dahil tiyak na ginto ang halaga ng mga pagkain kapag nagkataon.

Base sa datos ng Department of Agrarian Reform (DAR), mahigit 97,592 hectares ng sakahan ay naging subsdivision at factory na mula 1988 hanggang 2016 kaya nabawasan ng 19, 518 tonelada ang produksyon sa bigas sa ating bansa.

Mantakin mo ang nawalang produksyon sa palay? Ilang milyong Filipino ang mapapakain nyan tapos magtataka tayo kung bakit nagkukulang ng supply ng bigas sa ating bansa?

At dahil dyan, ang kumita ay ang mga rice importers para punan ang kakulangan ng supply ng pagkain dahil kulang na kulang ang produksyon ng ating mga lokal na magsasaka.

Malaki din ang pakinabang ng mga magsasaka sa Vietnam at Thailand dahil habang paliit ng paliit ang lupang sinasaka natin parami ng parami ang ine-export nilang bigas sa atin.

Bakit kasi paborito ng mga developers tulad ng mga Villar na ang negosyo ay pagtatayo ng subdivision, ang mga sakahan eh marami namang idle land na hindi tinutubuan ng anumang halaman ang puwede nilang pagtayuan ng mga bahay at factory?

Maraming lupa ang nakatiwangwang at walang pakinabang pero hindi yun ang dine-develop ng mga negosyanteng tulad ng mga Villar. Mas gusto nila ang patag na karaniwan ay sakahan.

May mga pagtatangka din sa Kongreso na ipagbawal ang land conversion para masiguro na hindi maubos ang lupang sakahan sa ating bansa na tinagurian pa man ding agricultural country.

Layon ng panukalang ito ng “iilang” mambabatas na hindi masiguro ang food security lalo na’t palaki ng palaki ang populasyon ng Pilipinas pero pakonti ng pakonti naman ang mga lupang sinasaka.

Pero ngayon nauunawaan ko na kung bakit hindi ito nakaka-usad at hindi maipasapasa dahil may mga negosyante na hindi naniniwalang mali ang pag-iisip na i-convert sa subdivision at factory ang mga sakahan natin.

97

Related posts

Leave a Comment