MASIGLANG KALAKALAN, MAUNLAD NA MINDANAO

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO

SA tuwing babanggitin ang Mindanao, karaniwang pumapasok sa isip ng mga tao ay ang negatibong imahe – matinding kahirapan, kabi-kabilang karahasan, bagsak na kabuhayan at matamlay na kalakalan.

Sa paglipas ng mga taon, unti-unting nagbago ang kwento. Ang lugar na iniiwasan (kung hindi man kinatatakutan) ng mga turista, negosyante at maging ng mga pangkaraniwang kwento, nasa landas na patungo sa pagbabago.

Ang hanapbuhay dumami sa pagsipa ng turismo, mabilis na pagpasok ng mga negosyo at malusog na kalakalan sa mga puerto.

Higit na kilala ang Mindanao sa magagandang pasyalan, luntiang kagubatan, mga sakahan, nakabibighaning baybayin, tradisyon, makulay na sining at kulturang inukit ng kasaysayan.

Mayaman din sa likas na yaman ang Mindanao – saganang isda sa karagatan, natural gas sa Liguasan Marsh, ginto sa Campostela, at marami pang iba.

Hindi magpapaiwan ang malaking ambag ng Mindanao sa agrikultura. Katunayan, sa Mindanao nagmumula ang mga binebentang saging, pinya at durian sa ibang bansa – at ito mismo ang dahilan sa pagbisita kamakailan ni Ambassador Gerard Ho ng Singapore sa Davao.

Kasama si District Collector Erastus Sandino Austria mula sa tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) na nakabase sa Davao at iba pang opisyales ng embahada ng Singapore sa Pilipinas, tinalakay ang pagsusulong ng Davao region bilang isang Logistics Hub ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ang ibig sabihin, mas magiging masigla ang kalakalan sa Davao region. Kalakip naman ng masiglang kalakalan ang mas malawak na oportunidad para magnegosyo, bukod pa sa paglikha ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.

Sa talakayan sa pagitan ng dalawang opisyal – Sandino sa panig ng Pilipinas at Ho sa panig ng Singapore – mali­naw ang direksyon ng Mindanao: kaunlaran, mas mara­ming trabaho, pag-asa sa sektor ng agrikultura at maunlad na kalakalan.

Batay na rin sa aprubadong plano ng National Econo­mic Development Authority Region XI (NEDA XI), kabilang din sa isinusulong ang pagbabalangkas ng updated version ng Davao Gulf Development Plan (DGDP) 2013 na konsepto ni dating Davao City Mayor at ngayo’y Vice-President Sara Duterte-Carpio.

Sa ganang akin, napapanahon na ang pag-asenso ng Mindanao. Sa inaasahang pagbulusok ng kalakalan sa nasabing rehiyon, hindi magtatagal at magiging isang global rising frontier ang katimugang bahagi ng Pilipinas.

Pagkatapos ng pulong, inilibot naman ni Austria ang mga kinatawan ng embahada ng Singapore sa seaport facility sa Panabo City at ang Davao International Container Terminal Inc., (DICT).

Bukod sa BOC-Davao, kabilang din sa makikinabang nang husto sa pagbulusok ng kalakalan sa gawing katimugan ang mga tanggapan ng kawanihan sa Surigao, Zamboanga at Cagayan de Oro.

Sana lang, mapanatili ng pamahalaan ang katahimikan sa Mindanao nang sa gayon ay magtuloy-tuloy na ang pag-asenso hindi lang sa katimugan kundi sa buong bansa. Pag nagkataon, bibida ang Mindanao sa loob lang ng limang taon.

Wanna bet?

Para sa mga sumbong, suhestyon, puna at reklamo, mangyaring makipag-ugnayan sa mga operarioj45@gmail.com o magpadala ng mensahe sa aking textline – 0977-751-1840.

479

Related posts

Leave a Comment