NAKAPAGSAGAWA na ng mass testing ang Parañaque City Health Office (CHO) sa 3,321 indibidwal sa lungsod kung saan 95% sa mga nakuhanan ng rapid testing ay negatibo ang naging resulta sa coronavirus disease o COVID-19.
Ayon kay Dr. Olga Virtusio, hepe ng CHO, 590 residente ng lungsod sa kabuuang bilang ng nagpa-test ay may kasong probable kaya awtomatikong dinala sa isolation facility na itinalaga ng lokal na pamahalaan.
Idinagdag pa ni Virtusio na bukod sa mga residente ng lungsod, kung saan nakatuon ang pagmamalasakit ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, ay binibigyang importansya rin ng alkalde ang kalusugan ng mga frontline medical at health workers sa kasalukuyang dinaranas na pakikipaglaban ng mga ito sa nakamamatay na virus.
Sinabi naman ni Olivarez na ang mga frontline medical at health workers na may kakayahang sumagip ng buhay ay nahaharap sa panganib na mahawa ng COVID-19 katulad na lang sa 40 health providers ng lungsod na nagpositibo sa naturang test.
Dahil dito ay muling isinalang ang mga nagpositibong health workers sa confirmatory test na ngayon ay naghihintay na lang ng resulta nito.
Napag-alaman kay Olivarez na mayroong kabuuang 333 doktor at health providers ang kanilang itinalaga sa iba’t ibang quarantine facilities sa lungsod na tumitingin sa pangangailangan ng mga pasyente ng COVID-19.
Ang mga frontline health worker ay pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang hotel sa lungsod at ang gastusin ay sagot ng lokal na pamahalaan.
Sa kasalukuyang datos ng CHO sa COVID-19 update ay umabot na sa 441 ang kumpirmadong kaso ng naturang virus habang tumaas din ang bilang ng mga namamatay sa sakit na ito sa 32.
May 72 pasyente ang bilang ng mga naka-recover habang 82 naman ang pinalabas na sa mga ospital upang makauwi na sa kanilang mga bahay.
Ang mga suspected case ay tumaas sa bilang na 542 samantalang mas mataas naman ang bilang ng kaso ng problable na nasa 872.
Napag-alaman din kay Olivarez na kamakailan lamang ay dumalaw sa lungsod sina Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque at DoH-NCR Director Dr. Paz Corrales upang inspeksyunin ang apat na isolation facilities na itinalaga ng lungsod para sa COVID-19 na kinabibilangan ng Parañaque City College (PCC), Parañaque National High School main (PNHS main), San Antonio High School (SAHS) at Arcadio National High School (ANHS).
Ang apat na nabanggit na eskwelahan na pansamantalang ginawang isolation facilities ay karagdagan bsa naunang dalawang isolation facilities na Ospital ng Paranaque I (OsPar I) at Ospital ng Parañaque II (OsPar II). DAVE MEDINA
178
