KINONDENA ni Senador Grace Poe ang pagpaslang sa mamamahayag na si Jesus “Jess” Malabanan sa Leyte at isang mayor kasama ang kanyang bodyguard sa Basilan na tila tumitindi habang papalapit ang halalan.
Sa pahayag, hinikayat ni Poe ang pamahalaan na gumawa ng matapang na hakbang upang proteksyunan ang taumbayan at palakasin ang sistema ng hustisya para maparusahan ang mga kriminal.
“Ang napakaraming insidente ng pagpatay, kasama na ang pagkitil sa isang mamamahayag sa Samar at sa alkalde at kanyang aide sa Basilan, ay muling naglalatag ng anino ng karahasan sa ating lipunan na kailangan nang mahinto,” giit ni Poe.
Kasabay nito, sinabi pa ni Poe na ang mga hindi nareresolbang krimen na hindi lang pinanggagalingan ng pasakit sa mga naiwang pamilya at kasamahan ng biktima, kundi nagiging dahilan din upang mawalan sila ng tiwala sa ating sistema ng hustisya.
“Kapag ang isang mamamatay-tao ay hindi naparusahan sa kanilang nagawa, mauulit at mauulit lamang ang mga pangyayaring ito at magpapalakas lalo sa pagsuway sa batas,” ayon sa mambabatas.
Aniya, sagrado ang obligasyon ng pamahalaang protektahan ang bawat buhay at katahimikan ng bayan.
“Kailangang mamayani ang rule of law upang maputol ang sirkulo ng walang humpay na patayang ito,” giit niya. (ESTONG REYES)
