CAVITE – Iniwan sa Kaybiang Tunnel sa bayan ng Ternate ang isang Chinese national makaraang umano’y magreklamo ito na hindi pinasusweldo bilang call center agent.
Kinilala ang Chinese national na si Wu Weihong, 31-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Noel Villanueva ng Ternate Police, dakong alas-9:00 umaga noong Lunes nang i-turnover ng mga operatiba ng CPMFC sa pulisya ang biktima matapos na matagpuang pagala-gala sa Kaybiang Tunnel sa Brgy, Sabang 1, Ternate, Cavite.
Ayon kay Villanueva, madaling araw noong Lunes nang ibaba ng isang gray na sasakyan na minamaneho ng isang Pinoy, ang biktima sa nasabing lugar.
“Isinakay siya, una sa isang puting van na may kasamang ibang dayuhan pero inilipat siya sa kulay gray na sasakyan na Pinoy ang nagmamaneho at doon siya ibinaba sa lugar,” ayon kay Villanueva.
Hindi marunong ng English ang dayuhan at nagkaintindihan lamang ng awtoridad sa pamamagitan ng Google translator.
Ayon sa Chinese national, nagreklamo siya sa kanyang pinapasukang kumpanya bilang isang call center agent, dahil hindi umano sila pinapasuweldo at ito ang tinitingnang dahilan ng mga awtoridad kung bakit inabandona ang biktima sa lugar.
Hindi naman nabanggit kung anong kumpanya ang kanyang inirereklamo bagama’t dating nagtrabaho sa POGO ang biktima ngunit nag-resign na umano siya.
Ang biktima ay nasa kustodiya pa ng Ternate Police at nakatakdang i-turnover sa Chinese embassy. (SIGFRED ADSUARA)
131
