May kasong murder ANAK NG TERORISTA NABITAG NG PNP-PRO5

NADAKIP ng mga tauhan ni PNP Police Regional Office 5 Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang isang babaeng anak ng mataas na pinuno ng communist terrorist group, na wanted sa kasong pagpatay, sa bayan ng Cawayan sa lalawigan ng Masbate.

Kinilala ni P/BGen. Estomo ang nadakip na si Mariel Cañete Suson, naninirahan sa Purok-1, Brgy. Cabungahan, Cawayan, Masbate, target ng warrant of arrest na inilabas ng 5th Judicial Region, Masbate City, Masbate, sa kasong murder. Walang pyasang inirekomenda ang korte para sa nasabing suspek.

Ayon kay P/BGen. Estomo, si Mariel na isang guro ay anak ni Rogelio Suson alyas “Manong/Julio,” secretary ng Kilusang Larangang Gerilya 2 (KLG2), Kilusang Partido 4 (KP4), at Bicol Regional Party Committee (BRPC) na kumikilos sa lalawigan ng Masbate.

Nabatid na bandang alas-5:40 ng umaga, sinalakay ng mga tauhan ng PNP-PRO5 Cawayan Municipal Police Station, sa pamumuno ni P/Lt. Ma. Dolores P. Abenia, katuwang ang mga elemento mula sa 2nd Provincial Mobile Force Company, Masbate Provincial Intelligence Unit, Masbate City Police Station, 96 MICO, SAF, RIU5 at Intelligence Platoon ng 2nd Infantry Battalion, ang pinagtataguan ng suspek sa Brgy. Cabungahan, bayan ng Cawayan.

Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa Masbate City Police Station lock-up jail. (JESSE KABEL)

200

Related posts

Leave a Comment