(JESSE KABEL)
MAAARING suspendihin o ipasara ang City Garden Hotel sa sandaling mapagtibay sa imbestigasyon ng mga awtoridad ang mga paglabag nito matapos ang pagkamatay ng 23-anyos na flight attendant noong bagong taon sa Makati City.
Binigyang-diin ni PNP-National Capital Region Police Office Chief P/BGen. Vicente Danao Jr., na may pananagutan ang nasabing hotel sa pagkamatay ni Christine Angelica Dacera dahil nasa
general community quarantine pa rin ang Metro Manila at bawal ang mass gathering lalo na kapag ang kwarto nila ay good for four, na dapat ay dalawang indibidwal lang ang nasa loob.
Nauna nang iniutos ni Makati Mayor Abby Binay ang masusing imbestigasyon sa kaso at ang pagbusisi sa mga posibleng paglabag ng City Garden Hotel.
Samantala, binigyan ng Department of Tourism (DOT) ng tatlong araw ang City Garden Grand Hotel para magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o i-revoke ang kanilang accreditation.
Ito ay dahil hindi pinapayagan ang mga hotel sa ilalim ng GCQ areas na magbukas para sa leisure purposes, base sa guidelines ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
72-oras deadline tapos na
Ngayong araw magwawakas ang 72-hours o tatlong araw na ultimatum ni PNP chief, Gen. Debold Sinas para sumuko ang mga suspek sa pagpatay kay Dacera.
Nabatid na tinatrabaho na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang pagkakakilanlan ng walo o higit pang mga suspek sa umano’y rape-slay case.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya na kumpirmadong ginahasa ang biktima.
Babala ni Gen. Sinas, sa paglipas ng itinakdang palugit ay magiging subject ng manhunt operation ng PNP ang mga suspek.
Nanindigan din si Sinas na hinalay ang biktima, base sa lumabas na medico legal report kung saan present aniya ang lahat ng elements ng rape.
Ibinunyag din ni Sinas na posibleng madagdagan pa ang bilang ng mga suspek batay na rin sa nakuhang CCTV footages.
Isang nationwide manhunt operation ang agad ikakasa ng PNP-CIDG at maging ng mga tauhan ng PNP-NCRPO oras na lumabas ang hinihintay na warrant of arrest laban sa mga suspek.
Kaugnay nito, nakiusap si NCRPO Chief P/BGen. Vicente Danao Jr. sa mga suspek na boluntaryong sumuko bago pa lumabas ang warrant of arrest.
Sa ngayon, nasa proseso na ang PNP sa pag-review sa CCTV footages habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP Crime Lab at forensic experts.
Kabilang sa mga anggulong tinututukan ang posibilidad na may ginamit na ilegal na droga si Dacera o posibleng ipinainom sa kanya nang hindi niya alam kaya hindi pa direktang matukoy kung sa
panghahalay ito namatay o sa overdose.
Paliwanag naman ni PNP Spokesperson BGen. Ildebrandi Usana, kahit wala pang warrant of arrest laban sa mga suspek, sila ay na-identify na kasama ng biktima nang ito ay mamatay kaya
kailangan nilang iprisenta ang kanilang sarili sa mga awtoridad para magpaliwanag.
Dacera case ‘wag agad isara
Samantala, iginiit ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na huwag agad ideklarang ‘solved’ ang kaso ni Dacera hangga’t hindi pa nahuhuli ang lahat ng suspek.
Ginawa nina ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang panawagan sa Philippine National Police (PNP) lalo na’t nakalalaya pa ang karamihan sa mga person of interest.
“The truth has to come out, and only the arrest of the remaining 9 suspects will complete the investigation,” ayon kay Taduran.
“Christine Dacera’s case is far from over and should not be easily swept under the rug. As long as the perpetrators are still at large, an immediate and thorough investigation should be conducted to deliver justice for her family,” pahayag naman ni Brosas.
Stop victim-blaming
Umapela rin si Taduran sa publiko lalo na sa netizens na itigil ang paninisi sa biktima sa kanyang sinapit.
“Stop victim-blaming. It is already hard for Christine’s family to lose her, it makes it harder for them to hear people say that what happened was her own doing. Let us pray that this won’t happen again to anyone,” ani Taduran.
Ang apelang ito ng mambabatas ay dahil may mga netizen ang nagsasabi na kasalanan ni Dacera ang nangyari sa kanya dahil mga lalaki ang kasama nitong nagselebra ng Bagong Taon.
Kumambyo
HINDI pa lutas ang pagkamatay ni Dacera.
Ito ang inihayag ni Danao sa media, taliwas sa konklusyon ni General Sinas.
Ayon kay Danao, maling magdeklarang lutas na ang kaso ni Dacera dahil maraming isyung kailangang magkaroon ng malinaw na kasagutan.
Kabilang diyan ang eksaktong taong namatay at nagahasa (kung nagahasa man), sinu-sino ang mga totoong gumahasa at pumatay sa biktima at iba pang usapin upang matukoy at mapatibay ang kaso laban sa mga suspek.
Sinabi ni Col. Harold Depositar, hepe ng pulisya ng Makati, si Dacera ay namatay sa ospital dahil sa “ruptured aortic aneurysm” batay sa mga doktor.
Pumutok din ang ugat sa utak ng biktima, saad ni Depositar.
“There was sexual contact, based on medico-legal report”, patuloy niya.
Ani Danao, kapag natumbok ang lahat ng isyu at nasakote na ang ‘totoong’ mga suspek ay saka lamang maaaring ideklara ng pamunuan ng PNP na nalutas na ang pagpaslang at panggagahasa kay Dacera. (BERNARD TAGUINOD/NELSON S. BADILLA)
164
