BOCAUE MAYOR AT KONSEHAL, POSITIBO SA COVID-19

NAGPOSITIBO kahapon sa coronavirus disease (COVID-19) ang alkalde at isang konsehal ng munisipyo ng Bocaue, Bulacan.

Kapwa kinumpirma nina Mayor Jose Santiago Jr. at Councilor Aldrin Sta. Ana nitong Miyerkoles sa pamamagitan ng kanilang Facebook account ang pagsailalim nila sa swab testing at ang positibong resulta nito.

Ang swab test result ay lumabas Martes ng gabi mula sa Joni Villanueva Molecular Laboratory.

Nabatid na makaraang mabatid ng alkalde na siya ay may nakasalamuhang nagpositibo sa nasabing virus ay agad siyang sumailalim sa swab test.

“I immediately took swab test at the Joni Villanueva Molecular Laboratory in Brgy. Igulot and the result came out last night (Tuesday),” ani Santiago.

Pinayuhan naman ni Santiago ang mga taong nakasalamuha niya na obserbahan at mag-self quarantine na at upang makasiguro ay magpa-swab test na rin para sa kanilang seguridad.

Kung magkakaroon umano sila ng anomang sintomas ay agad ipagbigay-alam sa Barangay Health Officer o tumawag sa Municipal Covid Hotline: 0997 601 0408 para maaksyunan.

Samantala, kasabay ni Mayor Santiago ang kaniyang konsehal na si Sta. Ana na nagpahayag din sa kanyang FB account na nagpositibo rin sa covid.

Pagtiyak ng konsehal, maayos ang kanyang kondisyon ngunit kailangang tapusin ang dalawang linggong self quarantine upang makasiguro na hindi siya makapanghahawa sa iba.

 

Isinailalim naman sa lockdown ang buong munisipyo ng Bocaue para sa isasagawang disinfection at muli itong bubuksan sa publiko sa Lunes.

Magugunita na kabilang sa Bulacan officials na nagpositibo sa COVID-19 mula nang mag-pandemic sina Governor Daniel Fernando, Baliwag Mayor Ferdie Estrella at Bulakan Mayor Vergel Meneses. (ELOISA SILVERIO)

123

Related posts

Leave a Comment