WALANG magaganap na Physicians Licensure Examination (PLE) ngayong buwan sa Metro Manila, ayon mismo sa Professional Regulatory Commission (PRC) bilang tugon sa panawagan ng mga mag-aaral para sa pagpapaliban nito.
Sa kanilang Facebook post, sinabi ng PRC na ang itinakdang pagsusulit ngayong darating na September 11, 12, 18 at 19 sa Metro Manila ay kanselado muna.
Gayunpaman, tuloy ang pagsusulit sa ibang lugar kabilang ang Baguio, Cagayan de Oro, Cebu, Davao, Iloilo, Legaspi, Lucena, Tacloban, Tuguegarao at Zamboanga.
Una nang nanawagan ang Philippine Medical Students Association at National Union of Students of the Philippines sa PRC na kanselahin ang pagsusulit sa Metro Manila dahil sa higit na nakababahalang bagsik ng Delta variant.
Bukod sa PLE, inihayag rin ng PRC na kanselado rin ang Qualifying Assessment for Foreign Medical Professionals (QAFMP) na nakatakda naman ngayong darating na Setyembre 13 at 20.
Sa anunsyo, maaaring kumuha ng pagsusulit ang mga aplikante sa susunod na iskedyul ng PLE nang walang panibagong bayarin. (RENE CRISOSTOMO)
