NIRERESPETO ng mga mayor sa Metro Manila ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi muna ilagay sa ilalim ng MGCQ ang kabuuan ng Kalakhang Maynila hanggang walang bakuna kontra COVID-19 na available sa bansa.
Ito ang tiniyak kahapon ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos makaraang ianunsyo ng pangulo sa kanyang lingguhang pulong na ‘No Vaccine No MGCQ’.
Tiniyak ni Chairman Abalos na ang mga Metro Manila mayor ay laging nakabase sa anomang desisyon ng pangulo at tutugon nang mabilis at maayos sa kautusan ng Punong Ehekutibo.
Nauna rito, napagkasunduan ng Metro Manila Council na ilagay sa MGCQ sa buwan ng Marso ang National Capital Region alinsunod sa magiging desisyon ng IATF at ni Pangulong Duterte kung papayagan sila na ipatupad ito.
Nais ng mga alkalde na unti-unting mabuksan ang ekonomiya subalit nagkaroon ng dagdag na hawahan ng virus sa ilang lungsod kaya tumutol ang pangulo bukod pa sa kawalan ng bakuna. (DAVE MEDINA)
