(NI GUILLERMO OCTAVIO)
INABSUWELTO ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) ang bodegerong idinadawit sa P6.4-billion shabu shipment mula sa China.
Laya na si Fidel Anoche Dee , na ipiniit sa Valenzuela City Jail, hanggang sa siya ay pinawalang -sala sa kasong paglabag sa Section 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o pag-iingat ng iligal na droga, ni Presiding Judge Arthur Melicor.
Limang crate mula sa China na naglalaman ng tinatayang 600 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon ang natuklasan ng Bureau of Customs (BoC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bodega ng Hong Fei Logistics noong Mayo 2017 at nadawit si Dee sa kaso dahil nakasulat sa mga bond papers na nakadikit sa isa mga crate ang kanyang pangalan bilang isa sa mga consignee.
Ang nasabing crate na may kargang nasa 100 kilo ng shabu ay ipinadala sa bodega ni Dee sa Barangay Ugong, Valenzuela at lumagda si Dee sa dokumentong inakala niyang delivery receipt ngunit liham palang nagbibigay ng kapangyarihan sa BOC na mag-inspeksyon.
Ayon sa korte, bahagi ng tungkulin ni Dee bilang bodegero na tumanggap ng mga delivery at hindi ito nag-ingat sa shabu dahil tinanggihan na nitong tanggapin ang shipment nang malaman na niyang may karga itong iligal na droga.
Ayon pa sa korete, ang sinasabing “delivery” kay Dee ay hindi masasabing delivery dahil ang crate na may shabu ay “itinapon” sa akusado gamit ang panlilinlang.
132