2023 HITIK SA KAPALPAKAN NG MARCOS ADMIN

MAGMULA nang maupo bilang pangulo ng bansa si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay maraming kontrobersya at kapalpakan ang nangyari sa kanyang administrasyon.

Hindi nakaligtas ang mga ito sa pagpuna ng mamamayan lalo na ang mga bumoto sa kanya sa nakaraang eleksyon na tila nagsisisi na siya ang piniling iluklok sa pinakamataas na posisyon sa bansa.

Aberya sa NAIA

Sa unang araw pa lang ng 2023, nakaranas ng aberya ang 56,000 pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Hindi maipaliwanag ang pagkakaroon ng technical glitches na naging dahilan para ma-shutdown ang operations sa airport.

Walang makababa at makaalis na eroplano dahil putol ang komunikasyon.

Nasundan ang aberyang ito makalipas lang ang limang buwan. Mayo 1 nang muling balutin ng dilim ang NAIA at naparalisa ang operasyon.

Patuloy na Oil Price Hike

Naghatid din ng pasakit ang big time oil price hike noong Enero 2, 2023. Binulaga ang mamamayan ng P2.90 na pagtaas sa gasolina at P2.10 sa diesel. Tinamaan ang mga driver ng jeepney na halos wala nang kinikita.

Magmula noon ay wala nang palya ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina na bagamat may pagbaba ng presyo ngunit karampot lamang.

Presyo ng Bigas

Isa sa mga pangunahing batikos na patuloy na natatanggap ni Marcos ang kawalan ng katuparan ng pangako niyang ibababa sa P20 ang kada kilo ng bigas.

Imbes na maibaba ang presyo ng bigas ay patuloy pa itong tumaas na umabot ng hanggang P60 ang kada kilo.

Bilang pambawi ay pansamantala siyang nagpatupad ng price cap o nagtakda ng presyo sa ilang klase ng bigas upang maabot pa rin ito ng ordinaryong mamamayan.

Ngunit ang hakbang na ito ay pansamantala lamang dahil matapos ipawalang-bisa ay muling nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Disaster na DA Sec

Kabilang din sa palpak na desisyon ni Pangulong Marcos ay ang pagtalaga sa kanyang sarili bilang kalihim ng Department of Agriculture sa hangaring mapababa ang presyo at mapataas ang produksyon ng produktong agrikultura ngunit hindi naman natamo ang layunin sa hakbang na ito.

Sinasabing wala namang nagawa ang Pangulo sa pag-upo niya sa nasabing posisyon dahil hindi naman umano ito dumadalo sa mga pagpupulong ng mga opisyal ng DA.

Dahil dito napilitan ang Pangulo na bumaba sa pwesto at nagtalaga ng bagong kalihim ng DA na si Francisco Tiu Laurel Jr. na ikinadismaya rin ng mga magsasaka at mangingisda dahil makokontrol lamang umano nito ang industriya.

Si Sec. Laurel ay kilalang aktibo sa ilang agricultural and fishery organization kabilang Confederation of the Philippine Tuna Industry, Inc., Processing Sector – Bangus Council of the Philippines, World Tuna Purse Seine Organization, at Inter-ISland Deep Sea Fishing Organization.

Maharlika Fund

Ipinagpilitan din ng administrasyon ni BBM ang pagpapatupad ng Maharlika Investment Fund (MIF) bagama’t marami ang tumutol dahil kukunin ang pondo para rito mula sa mga institusyon ng gobyerno kabilang ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.

Pinangangambahang masasaid ang pondo ng nasabing mga banko dahil walang kasiguruhan na maibabalik ito.

Foreign Investments, Pledges Lang

Maraming beses nang bumiyahe si Marcos sa iba’t ibang mga bansa sa layuning manligaw ng mga investor para mamuhunan sa Pilipinas.

At sa tuwing siya ay uuwi ay ipinagmamalaki ang umano’y bilyong dolyar na halaga ng mga investment na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Gayunman, mistulang itinutuwid palagi ng netizens ang Malakanyang sa pagsasabing pledges at hindi pa maituturing na investments ang natamo sa mga biyahe ng Pangulo.

Pagtalaga kay Sara sa DepEd

Kabilang din sa masasabing palpak na desisyon ni BBM ang pagtatalaga kay Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education dahil hindi naman nito nasolusyunan ang mga suliranin sa nasabing kagawaran kabilang ang kakapusan sa mga silid-aralan at guro.

Ito ay dahil hindi ang kapakanan ng edukasyon ang tinutukan ni Duterte kundi ang bantayan ang aniya’y makakaliwang grupo na nais pasukin ang sektor ng edukasyon.

Ito ang dahilan ng paghingi ni Duterte ng malaking halaga ng confidential and intelligence fund na tinabla naman sa Kamara.
Kontrobersyal ang P25 million confidential funds ni Duterte na sinasabing naubos sa loob lamang ng 11 araw.

Public Utility Vehicle
Modernization Program

Bago magtapos ang 2023, bumuhos sa kalsada ang malaking bilang ng mga tsuper at operator na humihiling na ipagpaliban ng pamahalaan ang konsolidasyon ng mga jeepney.

Para sa mga ito, kamatayan ng kanilang kabuhayan ang kahulugan ng Public Utility Vehicle Modernization Program. Gayunman, hindi natinag si Marcos sa mga pangangalampag ng mga tsuper at operators kaya inanunsyong wala nang extension ang Dec. 31 na deadline.

89

Related posts

Leave a Comment