34 NADAGDAG SA COVID CASES SA KAMARA

NAKAPAGTALA ng 34 bagong kaso ng COVID-19 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikalawang mass testing sa 2,848 empleyado at opisyales sa Batasan Pambansa.

Ito ang nabatid mula kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, kaya mula nang maging Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ay umaabot na sa 132 ang naitatalang COVID-19 case sa kapulungan.

“This is equivalent to a positivity rate of only 1.19 percent, which is way below the 5 percent positivity rate recorded during the first mass testing,” ani Mendoza.

Magugunitang unang nagsagawa ng mass testing si Velasco sa Kamara noong Nobyembre 2020 at 98 sa mga empleyado ng Kapulungan na nagpositibo sa COVID-19 ay naka-recover na umano sa nasabing virus.

Bago naging Speaker si Velasco, nakapagtala ang Kamara ng 93 kaso kabilang na ang 13 mambabatas, at dalawa sa mga ito ay namatay sa katauhan nina dating Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol Jr., at Sorsogon Rep. Ditas Ramos.

Mula noong nakaraang linggo ay naghigpit pa nang husto ang Kamara, hindi lamang sa mga bisita kundi maging sa mga empleyado upang hindi umano makapasok sa kapulungan ang bagong variant ng COVID-19.

“We cannot be complacent. Speaker Velasco said we must continue or even intensify our efforts to prevent the spread of COVID-19, especially now that a new variant of coronavirus is gaining a foothold in the country,” ani Mendoza.

Dahil dito, kailangang dumaan sa lingguhang antigen test ang lahat ng mga empleyado ng Kamara at maging ang mga bisita bago sila payagang makapasok sa mga gusali sa Batasan Pambansa.

Binansagang “No Negative Antigen Test, No Entry” ang protocol sa kasalukuyan sa Kamara kaya lahat ng magpopositibo sa antigen test ay agad na ia-isolate at makikipag-ugnayan umano ang Kapulungan sa barangay kung saan nakatira ang mga ito para sa contact tracing.

Libre umano ang antigen test na ito maliban sa mga hindi empleyado ng Kapulungan tulad ng mga kagawad na media at mga bisita. (BERNARD TAGUINOD)

46

Related posts

Leave a Comment