70 MOTORISTA NASAMPOLAN NG MMDA, NCRPO

overload12

(NI TJ DELOS REYES/PHOTO BY KIER CRUZ)

NASA 70 motorista na pawang nag-illegal parking, overloading at iba pang paglabag sa batas trapiko ang hinuli ng magkasanib pwersa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at National Capital Regional Police Office (NCRPO)para bigyan proteksyon ang mga estudyante kontra  aksidente sa unang araw nang pagbubukas ng klase kahapon sa ilang lugar sa Metro Manila.

Napag-alaman na bago mag-alas-6:00 Lunes ng umaga ay pinamunuan ni MMDA chair Danilo Lim ang operasyon kontra sa mga motoristang lumalabag sa batas trapiko sa area ng Batasan sa Quezon City.

“Madami tayong nahuli, usually illegal parking, marami din tayo na-apprehend for overloading and meron tayong mga sasakyan na-tow. ‘Yung sasakyan kasi nakakasagabal sa mga estudyante,” ani Lim.

Nabatid na  nasa 33 motorista ang hinuli dahil sa paglabag sa illegal parking; 21 ang walang suot na helmet, 3 ang disregarding traffic sign at 3 sasakyan ang hinatak.

Sa kabuuan ay nasa 60 motorista ang hinuli ng MMDA kabilang ang tatlong sasakyan na hinatak ng towing truck ng ahensiya.

Pinatikitan din ni Lim sa kanyang mga tauhan ang mga motorista lumabag sa batas sa trapiko  malapit sa Corazon Aquino Elementary sa nabanggit na lungsod.

Sa unang araw ng pagbubukas ng klase ay nagbigay ng babala si Lim sa mga motorista lalo na ang mga tricycle driver na  doblehin  ang pag-iingat sa  pagsasakay ng mga estudyante.

“Mag-ingat tayo dahil alam naman natin na ang sakay natin mga estudyante, mga bata ‘yan tapos siksikan sa tricycle. Konting sagi lang ‘yan napakalaking problema niyan”, sabi ni  Lim.

Umayuda rin si NCRPO director Police Major General Guillermo Eleazar

sa MMDA para sa operasyon  kontra  sa mga pasaway na motorista kung saan nasa 10 tricycle drivers ang nahuli ng kanyang mga tauhan dahil sa overloading.

“Nagbigay ako ng direktiba sa lahat ng police stations sa Metro Manila na ating ipatupad itong anti-overloading and colorum para mabigyan proteksiyon ang mga mag-aaral at hindi magkaroon ng aksidente.” ayon kay Eleazar.

Ayon kay Eleazar, sa pamamagitan nang ipinatutupad nilang police visibility ay maaring mami-minimize ang paglabag sa batas-trapiko malapit sa mga paaralan.

“Kung may makikita silang law enforcer at least mapi-prevent yung kanilang pagbaba kung saan-saan dahil matatakot sila na puwede silang tikitan,” nabatid pa kay Eleazar.

Bukod dito tiniyak din ni Eleazar na gagawin nilang  maging  “bully-free” ang mga paaralan sa Metro Manila.

Magbibigay sila ng police assistance at tutulong sila sa mga school authorities para imbestigahan at sampahan ng kaso ang sinumang magiging sangkot sa bullying.

 

427

Related posts

Leave a Comment