KASALUKUYAN nang sumasailalim sa serye ng pagsubok ang prospective missile frigate ng Philippine Navy, ang BRP Antonio Luna (FF-151), sa karagatang sakop ng South Korea bilang bahagi ng ikalawang sea acceptance trial.
Sinusuri sa kasalukuyan ang communication system ng BRP Antonio Luna bilang paghahanda sa nakatakdang delivery nito sa susunod na taon,
“Comms(communications) testing will be on December 7 to 11 on Ulsan (South Korea), pahayag kahapon ni PN Public Affairs Office chief, Lt. Commander Maria Christina Roxas.
Sinasabing aabot sa P18 bilyon ang halaga ng BRP Antonio Luna, kasama ang sister ship nitong BRP Jose Rizal, na nauna nang na-ideliver at sumabak na sa ilang mahahalagang misyon.
Ang kontara para sa BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna ay nasa P16 bilyon at karagdagang P2 bilyon para naman sa weapon systems and munitions.
Nabatid na nakumpleto at naging maganda ang resulta ng naunang sea acceptance trial ng pinakabagong missile frigate ng PN nitong nakalipas na linggo
“The first week of sea acceptance trial (was) completed with satisfactory results. The test conducted are the vessel performance, propulsion control, navigation systems and auxiliary machineries,” ani Lt. Cdr. Tiny Roxas, kaya isinunod na ang testing para sa communications system na kinapapalooban ng iba’t ibang seagoing scenarios.
Kaugnay nito, dumating na rin sa South Korea ang ikatlong batch ng mga tauhan ng Philippine Navy na itatalaga sa BRP Antonio Luna, at nakatakdang sumalang sa original equipment manufacturer (OEM) training pagkatapos ng kanilang 14-day mandatory quarantine.
Ang BRP Antonio Luna ay inilunsad sa tubig noong Nobyembre 8, 2019 sa Ulsan facility ng South Korean shipbuilder Hyundai Heavy Industries.
Sinaksihan ng pahayagang SAKSI NGAYON ang keel-laying ng nasabing barko noong Mayo 23, 2019 kasabay sa paglulunad ng BRP Jose Rizal.
Ngayon pa lamang ay ipinamamalaki na ni PN chief, Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo ang BRP Antonio Luna dahil sa kakayahan nitong magsagawa ng anti-air warfare (AAW), anti-surface warfare (ASUW), anti-submarine warfare (ASW), at electronic warfare (EW) operations.
Maging si AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay ay ipinamamalaki ang mga bagong barkong pandigma ng Hukbong Dagat dahil hindi na nakalulusot sa kanilang monitoring ang mga pumapasok na foreign vessels sa karagatang sakop ng Pilipinas.
“Dati blind tayo e, we do not know, ‘yung mga barko nagba-violate na kung sino-sino na lang ang dumadaan sa ating territorial waters, sa ating EEZ (exclusive economic zone), maging ‘yung mga eroplano nag-overfly dyan sa ating airspace, hindi natin alam, pero ngayon alam na nating lahat at natsa-challenge na natin bawat barko, bawat aircraft na dadaan sa ating airspace at maritime waters.”
“So dahil dito sa capability na ‘to, bukod dyan meron na rin tayong, yung ating navy is now gradually returning to a blue water navy, meron na tayong mga frigates sa ating inventory na malalaking barko na patuloy, 247 ang pagpapapatrolya dyan sa West Philippine Sea upang i-assert ang ating sovereignty,” ani Lt. Gen. Gapay kasabay ng pasasalamat kay Pangulong Duterte sa suporta nito sa DND-AFP modernization program.
“If not for this COVID-19 pandemic, the second frigate (FF-151) should have been delivered by October this year but because of this pandemic, it will be moved to the first quarter of Calendar Year 2021,” ani Vice Admiral Bacorrdo. (JESSE KABEL)
