(NI AMIHAN SABILLO)
MISMONG si PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang nanguna sa pag-iinspeksyon upang matiyak na nailatag nang maayos ang seguridad ngayong Undas.
Kanina, ang bahagi ng Araneta Bus Terminal sa Quezon City ang nilibot nito kasama si NCRPO Director Debold Sinas.
Inalam ni Gamboa ang kahandaan ng mga pulis na nakakalat sa terminal at mga assistance desk na takbuhan ng mga pasahero sakaling magkaroon ng mga insidente.
Kinamusta ni Gamboa ang ilang mga pasaherong naghihintay ng kanilang byahe paprobinsya at namigay ng flyers ng Ligtas Undas 2019.
Laman nito ang mga dapat tandaan at gawin sa byahe, kabilang na ang pag-iwas sa pagsuot ng mga mamahaling alahas o pagdadala ng malaking halaga ng salapi sa byahe, pag-ingat sa mga mandurukot at iba pa.
Matapos nito, nakipagkita si Gamboa kay Araneta Bus Terminal General Manager Ramon Legaspi.
Umakyat din siya sa bus at inalam ang kalagayan ng mga pasahero.
Ayon kay Gamboa, kontento sya sa inspeksyon dahil nakita nya ang kahandaan ng mga pulis.
Pagpasok pa lang sa terminal ay mahigpit nang chine-check ang mga gamit ng mga biyahero sa matutulis na kagamitan, iba pang sandata at mga alak.
Regular ding nag-iikot ang force multipliers para sa law enforcement at pag-aayos ng traffic.
169