ISINUSULONG ng concerned groups na magkaroon ng imbentaryo ang pamunuan ng Philippine National Police ng kanilang mga tauhan na nahaharap sa iba’t ibang kaso.
Kasabay nito ang pagsusuri sa kanilang case folders at status ng kanilang mga kaso matapos na lumutang ang ulat na may ilang case folder ng mga pulis na may kaso, ang posibleng nawawala.
Nabatid na bunsod nito, ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief, Police General Benjamin Acorda Jr., sa lahat ng PNP regional directors na imbestigahan ang report hinggil sa posibleng pagkawala ng mga case folder ng kanilang mga tauhan na sumasailalim sa imbestigasyon.
Ayon kay Gen. Acorda, hindi pwedeng basta na lamang mawala ang mga dokumento at kailangang managot ang sinomang custodial ng mga record.
Mariing inihayag ng PNP chief, kung may kapabayaan sa panig ng mga nag-iingat ng mga dokumento ay may katapat itong mabigat na kaparusahan.
Hiniling ni Acorda sa lahat ng regional directors na gumawa ng sistema gaya ng ipinatutupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) hinggil sa pag-iingat ng kanilang mga record.
(JESSE KABEL RUIZ)
107