(NI DAVE MEDINA)
BINALOT ng tensyon ang paligid ng Ayala Avenue sa Makati City Martes ng magtatanghali dahil sa pag-akyat sa gilid ng isang 45 palapag na gusali ng isang tao na inakalang magpapakamatay.
Kinabahan, natakot, at naawa ang maraming taong nasa paligid lamang ng 45-storey GT Tower sa pag-akyat ng lalaki sa naturang gusali. Inakala ng mga nagtatrabaho sa lugar na isa iyong insidente ng suicide o magtatangkang tumalon sa gusali ang lalaki.
Gayunman, nang lumabas sa social media ang video footage na kuha ng mga nagtatrabaho malapit sa GT Tower sa Makati City, nakitang isang publicity stunt ang ginagawa ng tao na napag-alamang ang tinaguriang French Spiderman na si Alain Robert.
Sa pagtaya ng mga nagtatrabaho malapit sa GT Tower na nag-video ng pag-akyat ni Alain, umabot ng 30-minuto ang kaniyang pag-akyat mula sa ibaba hanggang sa tuktok ng gusali.
Si Robert ay inimbitahan ng mga pulis at posible umanong kasuhan ng trespassing o public disturbance.
Si Alain Robert ay isang rock at urban climber mula sa Digoin, Saone-et-Loire, Burgundy, France na sumikat dahil sa kanyang solong pag-aakyat sa mga batuhan at matataas na gusali na walang ginagamit na climbing equipment maliban sa isang maliit na bag ng chalk at isang pares ng climbing shoes.
Ipinanganak siya noong Agosto 7, 1962 sa Digoin, France at may taas na 1.65 centimeter, at tinaguriang French Spiderman
Sa mga video na ibinahagi sa social media makikita si Alain na nakasuot ng itim na pang-itaas at dilaw na pants na mabilis na inaakyat ang 45 palapag na GT Tower.
Maraming gusali na rin sa iba’t ibang lugar sa mundo ang inakyat ni Alain; kabilang dito ang Heron Tower ng London, Empire State Building sa New York at ang pinakamataas na gusali sa buong mundo na Burj Khalifa sa Dubai.
332