GIRIAN SA CLEARING OPS

MANILA CLEARING OPS

Winalis na sagabal sa Traslacion, nagbalikan

MUNTIK mauwi sa gulo ang clearing operations ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) at Manila City Hall sa ilang lugar na daraanan ng Traslacion ngayong Huwebes nang pumalag ang ilang residente.

Kahapon ng umaga ay muling nilinis ng mga tauhan ng city hall at pulisya ang ilang kalsada matapos magbalikan ang mga binaklas na obstructions kamakailan kabilang ang mga vendor.

Unang sinuyod ng mga miyembro ng Hawkers ng Manila City Hall ang paligid ng Quiapo Church kung saan nasita ang mga bumalik na vendor at kinumpiska ang kanilang stalls at mga gamit.

Sa Carlos Palanca Street naman, isinakay sa mga truck ang mga paso, kariton stalls, gayundin ang mga trapal, mesa at paleta na ginagamit ng mga vendor.

Sa Bautista St., nabigla ang mga residente dahil pati ang mga harang na inilagay para sana hindi makapwesto ang mga vendor at mga tricycle o pedicab ay kinumpiska rin.

Dito na nagkagirian ang mga tauhan ng city hall at mga residente dahil ayaw alisin ng iba ang kanilang gamit.

Isang lalaki rin ang binantaan ng mga pulis na aarestuhin kaya napakalma ito at hindi na nakialam sa clearing operation.

Samantala, nag-abiso na ang telecommunications company na pansamantalang mawawalan ng signal ang mga linya ng kanilang komunikasyon sa lungsod ng Maynila at mga kalapit na lugar habang idinaraos ang Traslacion 2020, bilang pagtalima sa kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC).

Alas-11:00 ng gabi ng Miyerkoles nagsimulang maputol ang signal sa mga mobile phone at wifi na tatagal hanggang matapos ang Traslacion ngayong araw. (RENE CRISOSTOMO)

201

Related posts

Leave a Comment