(NI KEVIN COLLANTES)
PINAYUHAN ng Department of Transportation- Land Transportation and Franchising and Regulatory Board (DOTr-LTFRB) ang mga driver ng Transport Network Vehicle Service (TNVS), na naapektuhan ng deactivation, na magsumite na lamang muli ng aplikasyon upang magkaroon ng bagong prangkisa.
Tugon ito ng DOTr-LTFRB sa reklamo ng mga TNVS sector na may 8,000 drivers nila ang apektado ng deactivation ng prangkisa.
Ayon pa sa DOTr-LTFRB, napakahalaga ng proper registration o tamang pagrerehistro ng mga ito, para sa kaligtasan at seguridad ng riding public.
Ipinaliwanag ng DOTr na nabigyan naman ng sapat na panahon ng LTFRB ang mga driver at operator para makatugon sa requirements upang makapag-apply ng Certificate of Public Convenience (CPC) o ng Provisional Authority (PA).
Bilang katibayan, sa rekord ng LTFRB ay mayroong 40,522 TNVS units na napagkalooban ng CPC at mayroong 29,714 units ang nakakuha ng PA.
“Applicants are encouraged to personally file their application for TNVS franchise, proof of their personal manifestation to assume an important public responsibility to render public service. An absentee applicant would not augur well for this purpose,” anang DOTr.
Nilinaw naman ng DOTr, na pinapayagan naman ng LTFRB ang paghahain ng aplikasyon sa pamamagitan ng isang representative, ngunit limitado lamang ito sa ispesipikong miyembro ng pamilya o next of kin, na siyang haharap sa pagdinig para sa aplikasyon ng CPC.
Nilinaw din ng DOTr-LTFRB na ang prangkisa na mag-operate bilang public transport ay isang pribilehiyo lamang, na may kaakibat na responsibilidad at accountability na ligtas na maihatid sa kanilang destinasyon ang commuting public, kaya’t dapat lamang na tiyakin ng gobyerno na ang isang aplikante ay kuwalipikado at handang gampanan ang kanyang tungkulin bilang public transport service.
Ayon pa sa DOTr-LTFRB, wala silang hangarin na pagkaitan ng kabuhayan ang mga aplikante ng TNVS dahil ito’y pagtalima lamang sa proseso.
210