(NI HARVEY PEREZ)
MAGPAPATUPAD ng apat na araw na road closure sa ilang kalsada na malapit sa Manila North Cemetery, itinuturing na pinakamalaking sementeryo sa Maynila at inaasahang daragsain ng mga mamamayan ngayong Undas.
Sa inilabas na abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) , nabatid na magpapatupad din sila ng traffic rerouting scheme mula alas-10:00 ng gabi ng Oktubre 31, Huwebes, hanggang Nobyembre 3, Linggo, upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Kasama sa kalsadang isasara sa mga motorista ay ang Aurora Boulevard mula Dimasalang hanggang sa Rizal Avenue; Dimasalang Street, mula sa Makiling hanggang sa Blumentritt Street; P. Guevarra mula Cavite hanggang Pampanga Street; Blumentritt Street, mula A. Bonifacio hanggang P. Guevarra; Retiro mula Dimasalang hanggang Blumentritt Extension at Leonor Rivera mula Cavite hanggang Aurora Boulevard.
Gayundin, ipapatupad ang traffic rerouting sa mga public utility jeepneys (PUJ) na patungo sa Manila North Cemetery.
Ang mga PUJ mula Rizal Avenue/Blumentritt ay maaaring dumaan sa Cavite, kanan ng L. Rivera o Isagani, kanan ng Antipolo; habang ang mula naman sa Amoranto St. (mula Quezon City), ay maaaring kumanan ng Calavite, kanan sa Bonifacio at ang mula naman sa Dimasalang ay dapat na kumanan ng Makiling, kanan ng Maceda hanggang sa kani-kanilang patutunguhan.
Habang inilagay naman ng MPD-TEU bilang parking areas ang kahabaan ng Craig, Simoun, F. Huertas, Sulu, Oroquieta at Metrica Streets. Paalala nito, left side parallel parking lamang ang papayagan nila sa mga one-way streets.
Ipinagbabawal rin ang pagparada ng mga sasakyan sa magkabilang bahagi ng Retiro-Blumentritt, at mula Aurora/Blumentritt hanggang Bonifacio Avenue hanggang Laon Laan; Dimasalang mula North Cemetery gate hanggang Makiling; Laong laan (Bulaklakan)-Dos Castilaas, Don Quijote at Ma. Clara, Carola, Aragon at iba pang kalsada na kabilang sa kanilang rerouting.
Binalaan din ng MDTEU, ang mga motorista na magdadala ng sasakyan na hahatakin kapag ito ay ipinarada sa mga kalsada na hindi idineklarang parking zone.
176