KASOSYO NI MAYOR GUO SA POGO, PATULOY NA TINUTUGIS

TULOY-TULOY pa rin ang paghahanap ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission, sa sinasabing “big boss” ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga at hinihinalang kasosyo ni Bamban, Tarlac suspended Mayor Alice Guo.

Ayon kay PNP-CIDG Director PMGen. Leo Francisco, kabilang ang Chinese na “big boss” sa sinalakay POGO hub sa Porac, Pampanga, sa kanilang hinahanap kaya pinasok nila ang Fontana Leisure Park sa Mabalacat, Pampanga kamakalawa ng gabi.

Ipinahayag ni Gen. Francisco, may natanggap silang impormasyon na nagtatago umano ang naturang big boss ng POGO, sa naturang leisure park subalit nabigo silang matagpuan ang pakay.

Subalit may isang Chinese manager na isa ring boss sa POGO sa Porac, Pampanga, ang kanilang nadakip na sumasailalim na sa interogasyon ng mga awtoridad.

Ito umano ang isa sa “big bosses” ng Zun Yuan Technology Incorporated, at umano’y business partner ni Mayor Alice Guo.

Samantala, tuloy ang paggalugad ng PNP-CIDG, kasama ang mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, sa 5villas ng Fontana kung saan 14 vaults ang target nilang mabuksan. (JESSE KABEL RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment