4 SA 10 NAPATAY NA CPP-NPA, HIGH RANKING OFFICIALS

NAKUMPIRMA ng AFP-Northern Luzon Command na apat sa sampung kasapi ng communist terrorist group na napaslang ng mga tauhan ng 84th Infantry (Victorious) Battalion, Philippine Army, ay nabatid na pawang high ranking officers ng CPP-New People’s Army, matapos makilala ang pito sa mga rebelde sa Brgy. Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija noong Miyerkoles.

Base sa report ng 703rd Infantry (Agila) Brigade, kinilala ang mga napatay, kinabibilangan ng matataas na mga opisyal sa ilalim ng grupong Komiteng Rehiyong Gitnang Luzon, na sina Hilario Guiuo alias “Berting”, Acting Secretary of KRGL, at Commander, Regional Operational Command; Harold Sarenas Meñosa alias “Luzon”, commander, Platoon Silangan Gitnang Luzon; Pepito Trinidad Bautista alias “Dylan”, Team Leader, Squad Tersera, Platoon Silangan Gitnang Luzon.

Bukod pa sa dalawang napatay na NPA na sina Reynan Mendoza alias “Mel”, at Archie Anceta alias “Joel”, naunang narekober ang 10 high-powered firearms, at isang low-powered firearm, subversive documents, at iba pang mga kagamitan mula sa rebeldeng grupo .

Nabatid pa na sa patuloy na clearing operation kamakalawa, tatlong labi pa ng mga babae ang narekober sa hinihinalang exit point sa lugar kung saan pinaniniwalaang inabandona ng tumakas na mga kasamahan.

Dalawa sa mga ito ay kinilala na rin ng awtoridad na sina Andrie Dela Cruz, alyas “Lay/Rowen/Lunti”, political instructor ng Platun Silangan Gitnang Luzon; at Azase Galang, alyas “Cha”; habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pa.

Narekober ng mga awtoridad ang apat pang matataas na kalibre ng baril kabilang ang machine gun at M16 grenade launcher.

Kabuuang 14 matataas na kalibre ng baril at isang low powered firearm na ang narekober ng militar matapos ang engkwentro.

Ang mga labi ay dinala sa isang punerarya sa bayan ng Pantabangan at noong Hunyo 27, may isang pamilya na ang nag-claim sa labi ng isa sa mga napaslang.

Nanawagan naman si Brigadier General Joseph Norwin D. Pasamonte, PA, commander, 703rd Infantry (Agila) Brigade, sa iba pang mga miyembro ng rebeldeng grupo na sumuko na at magbalik-loob na sa pamahalaan.

“We would like to express our sympathy to the bereaved families of those who died and I am saddened that they reached to this point. Hindi nagkukulang ang gobyerno sa panawagan na sumuko na at magbagong buhay. Handa ang gobyernong tanggapin ang may gustong yakapin ang kapayapaan para makapiling ang kanilang pamilya, makihalubilo sa Lipunan at mamuhay nang normal. Nawa’y magsilbi itong aral sa mga natitirang CTG na nalinlang ng maling ipinaglalaban na ideolohiya,” ayon kay BGen. Pasamonte. (JESSE KABEL RUIZ)

231

Related posts

Leave a Comment