LABIS na ikinairita ni Senador Raffy Tulfo ang procurement ng Land Transportation Office ng anya’y mamahalin subalit depektibong breathalyzers na gamit sa pagtukoy ng level ng alcohol na nainom ng isang driver.
Sa pagdinig sa Senado, lumitaw na bumili ang LTO ng 756 na unit ng breathalyzers sa presyong P68,000 bawat isa o kabuuang halaga na P51.4 million.
Hinati-hati ito ng LTO kung saan ang 215 ay ibinigay sa Metropolitan Manila Development Authority, 50 sa Pambansang Pulisya at ang iba ay dinistribute sa LTO Regional Offices.
Para kay Tulfo, mataas ang presyo ng pagkakabili ng LTO dahil sa Estados Unidos anya ay nasa P5,000 hanggang P14,000 lamang ito habang mayroon ding P3,000 sa Thailand at P22,000 sa China.
Kinumpirma naman ni MMDA Chairman Romando Artes na ibinalik nila ang mga naibigay na breathalyzers sa kanila dahil hindi naman gumagana.
Sa panig ng PNP, sinabi ni Police Colonel Bobby Abao, Deputy Director for Administration ng Highway Patrol Group, naisoli rin nila ang mga breathalyzers dahil hindi calibrated.
Nangako naman ang Department of Transportation at ang Land Transportation Office na iimbestigahan nila ang usapin. (DANG SAMSON-GARCIA)
90