MGA EMPLEYADO NG LTO BINALAAN SA PAKIKIPAGSABWATAN SA FIXERS

NAGBABALA si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II nitong Miyerkoles, Setyembre 25, sa lahat ng empleyado ng ahensya laban sa pakikipagsabwatan sa mga fixer, na nagsasabing matinding administrative sanctions ang naghihintay sa kanila, kabilang na ang pagkawala ng trabaho.

Ang babala ni Mendoza ay kaugnay sa iniimbestigahang tatlong tauhan ng LTO, kabilang ang isang District Office head, dahil sa umano’y mga ilegal na transaksyon na kinasasangkutan ng mga fixer sa kani-kanilang lugar.

Noong Martes, dalawang operasyon ang isinagawa malapit sa LTO Central Office sa Quezon City at sa Bulacan dahil sa kumpirmadong intelligence reports ng umano’y pakikipagsabwatan ng mga empleyado ng ahensya sa mga fixer.

Ang una ay isinagawa sa Bulacan kung saan inaresto ang isang fixer at tatlo katao, na kinabibilangan ng isang District Office head.

Bandang alas-4 ng hapon nang araw ding iyon, inaresto ng mga intelligence agent ng LTO, na suportado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang isang 40-anyos na babae na inakusahan ng mabilis na pag-iisyu ng driver’s license sa panahon ng entrapment operation sa Barangay Pinyahan, Quezon City.

Nahuli si Desire Daginod, residente ng Pandi, Bulacan. Nakatakas naman ang kasabwat umano niya na kinilalang si Gerlo Gomez, 35. (PAOLO SANTOS)

154

Related posts

Leave a Comment