BINIGYANG DIIN ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangan ng mas malakas na whole-of-nation approach sa pagtugon sa local insurgency sa bansa, kasunod na rin ng panawagan ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga miyembro ng armed wing nito na New People’s Army (NPA) na paigtingin pa ang kanilang recruitment, sa kanilang pagdiriwang ng ika-53 founding anniversary noong Marso 29.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Go sa naturang panawagan ng CPP at muling umapela sa mga rebelde na magbalik-loob at sumuko na sa pamahalaan.
“Mayroon lang akong pakiusap, imbes na mag-recruit kayo gawin niyo na lang ay magbalik-loob na lang kayo sa gobyerno. Mayroon namang programa si Presidente (Rodrigo) Duterte ang ELCAC, tulong ng mga barangay para ma-encourage ang mga barangay na dumami pa ang mga barangay na ma-insentibo. So ako diyan as a Senator, tutulong ako para sa ikaayos ng lahat, peace ang sagot ko,” ayon kay Go, na ang tinutukoy ay ang paglagda ng pangulo sa Executive Order No. 70 na lumilikha ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) noong 2018.
Ang whole-of-nation approach sa ilalim ng nasabing EO ay tumutugon sa ugat ng insurgencies, internal disturbances at mga tensiyon, at iba pang armed conflicts at banta sa bansa, sa pamamagitan ng pagtuon sa episyenteng pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo at social development packages ng pamahalaan.
Ang mga concerned agencies na kasama sa task force naman ang nagkakaloob ng mga kinakailangang tulong sa pamamagitan ng iba’t ibang programa na inilaan para tumulong sa NTF-ELCAC na makamit ang layunin nito, kabilang na ang Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development na nagbibigay ng livelihood assistance grants sa mga dating rebelde at tumutulong upang maging produktibo silang mga miyembro ng kanilang komunidad.
“Alam niyo, matagal na itong problema sa NPA sa insurgency. Fifty years na, wala pa ring nangyayari. Mayroon tayong programa sa gobyerno na magbalik-loob sa gobyerno, tutulungan kayo ng gobyerno bibigyan kayo ng pabahay at livelihood. Puntahan niyo lang kami,” anang senador.
Noong Disyembre, isinulong rin ni Go ang pagtataas ng budget para sa NTF-ELCAC upang matiyak na ang task force ay may sapat na pondo para mas marami pang conflict-affected areas sa bansa ang kanilang matulungan.
Kasabay nang pagkadismaya dahil sa walang saysay na pagkawala ng buhay ng mga Pinoy, muli ring nanawagan si Go sa mga miyembro ng CPP-NPA na mapayapa nang sumuko sa pamahalaan at magsimula ng bagong buhay, sa halip na mag-recruit pa ng mas maraming miyembro, partikular na ng mga kabataan, upang sumama sa kanilang armed struggle.
“Mag-usap na lang tayo, ayaw ko ng patayan. Sino ba ang gustong magpatayan? Pilipino laban sa Pilipino, malungkot diyan sa bukid. Mga kababayan ko, huwag na kayong magdagdag. Imbes na mag-recruit kayo, pumunta na lang kayo dito. Tumulong na lang tayo sa gobyerno,” panawagan pa ng senador.
“Kawawa ang mga Pilipino at kawawa ang inyong mga anak, dahil kung hanggang ngayon ganoon pa rin at giyera pa rin. Pilipino laban sa Pilipino, masakit ‘yon. At kung may mamatay na sundalo kawawa ang pamilya. ‘Pag may namatay na rebelde, kawawa ang pamilya at Pilipino pa rin sila,” dagdag pa niya.
187