(NI KEVIN COLLANTES)
MAY 300 pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang pinababa matapos dumanas ng aberya ang sinasakyan nilang tren, na nagresulta pa sa pagpapatupad ng limitadong operasyon nito, Lunes ng hapon.
Batay sa inisyung advisory ng Department of Transportation (DOTr)-MRT3, nabatid na dakong alas-12:20 ng tanghali nang dumanas ng problemang teknikal ang isa nilang tren sa interstation ng Taft Avenue at Magallanes northbound.
Kaagad naman itong ipinabatid sa mga personnel ng Magallanes station para sa pagbibigay ng assistance sa pagpapababa ng mga naapektuhang pasahero.
Wala naman umanong pasaherong nasaktan o nasugatan dahil sa naturang insidente.
Ayon sa DOTr-MRT3, dakong ala-1:01 ng hapon nang mapilitan silang magpatupad ng limitadong biyahe mula North Avenue Station hanggang Shaw Boulevard Station dahil hindi kaagad naialis sa riles ang nagkaaberyang tren.
Inabot pa ng ala-1:25 ng hapon bago naman tuluyang naialis sa riles ang nasirang tren sa pamamagitan ng reverse driving mula Magallanes, patungong Taft Pocket track, kung saan ito kukumpunihin.
Dakong ala-1:39 naman ng hapon nang maibalik sa normal ang operasyon ng naturang tren.
Kaagad namang humingi ng paumanhin ang pamunuan ng DOTr-MRT3 dahil sa abalang nagawa ng naturang aberya sa kanilang mga pasahero.
Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City at pabalik.
291