BINAWIAN ng buhay noong Disyembre 14 ang isang pasyenteng unang naitalang gumaling sa COVID-19 makaraang muling kapitan ng virus sa Brgy. Tonsuya, Malabon City.
Sa kabuuan ay umabot na sa 226 ang bilang ng mga namamatay sa lungsod dahil sa pandemya
Ayon sa City Health Department, 12 naman ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 5,992 na ang positive cases sa lungsod at 86 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala mula sa Barangays Ibaba (4), Panghulo (1), Potrero (6) at San Agustin (1).
Habang 14 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Ang mga bagong gumaling ay mula sa Barangays Acacia (3), Concepcion (1), Dampalit (2), Panghulo (1), Potrero (2), San Agustin (4) at Tinajeros (1).
Sa kabuuan ay 5,680 ang recovered patients ng Malabon. Ibinawas na sa bilang na ito ang pasyenteng namatay sa Tonsuya. (ALAIN AJERO)
