(NI HARVEY PEREZ)
NAGSAMPA ng kasong qualified theft at estafa si casino mogul Kazuo Okada laban sa mga opisyal ng Tiger Resort Leisure Entertainment Inc. (TRLEI) dahil sa kanilang sabwatan para alisin siya sa kompanya na kanyang pag-aari at nasa ilalim ng kanyang kontrol.
Sa kanyang complaint-affidavit na sinumpaan kay Philippine consul to Japan Andrea Leycano, inakusahan ni Okada sina Jun Fujimoto, kanyang anak na si Tomohiro Okada, dating asawa na si Takako Okada, Kenshi Asano, Steven Wolstenholme, Antonio Cojuangco, Manuel Lazaro, Reynaldo David, Yoshinao Negishi, Kenji Sugiyama at Michelle Lazaro ng pagsasabwatan para ilegal siyang alisin sa sariling kompanya.
Si Fujimoto ay pangulo ng Universal Entertainment Corporation, si Tomohiro Okada ay trustee sa Okada Holdings Inc. habang si Takako Okada ay direktor ng Universal.
Nabatid na si Asano ay de facto director ng Universal at Tiger HK habang sina Wolstenholme, Cojuangco, Lazaro, David at Negishi ay direktor ng Tiger PH, si Kenji Sugiyama ay chief security office ng Tiger PH habang si Michelle Lazaro ay corporate secretary ng Tiger PH.
Sa kanyang reklamo na inihain sa Office of the City Prosecutor of Paranaque, sinabi ni Okada na nagsabwatan ang kanyang mga inireklamo, sa kapasidad bilang directors, opisyal, nominees at shareholders ng kompanya, para ilegal na agawin ang kanyang pag-aari at interes ng TRLEI nang walang kapahintulutan mula sa kanya.
Idinagdag pa ni Okada na ginamit ng mga kinasuhan ang shares ng TRLEI stocks at kapangyarihan na kanyang ibinigay bilang mga direktor ng TRLEI para alisin siya bilang chair, director, chief executive officer at registered shareholder ng Tiger PH.
Ayon kay Okada, malaking pinsala ang kanyang tinamo sa ilegal na pagtanggal sa kanya na bunga ng sabwatan ng mga nabanggit.
Maliban pa rito, sinabi ni Okada na ang ginawa ng kanyang mga kinasuhan ay katumbas ng tinatawag na estafa by abuse of confidence at qualified theft.
Bilang 99 porsiyentong may-ari ng OHL, nanindigan si Okada na hawak niya ang 68 porsiyentong pag-aari sa Universal Entertainment Corporation (UEC), ang parent company ng TRLEI na siyang nagpapatakbo sa Okada Manila.
171